Apektado ng lockdown.. P5-K sa bawat apektado ng tigil-trabaho
- Madel Moratillo
- Mar 18, 2020
- 1 min read

Aabot sa 250,000 manggagawa sa National Capital Region (NCR) ang target na matulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa pansamantalang pagsasara ng maraming negosyo ngayon.
Kasunod ito ng isang buwang enhanced community quarantine na ipinatutupad ng gobyerno dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, epektibo sa lalong madaling panahon ang paglalabas nila ng P180 milyong pondo para sa emergency employment sa ilalim ng Tulong Pangkabuhayan sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Kabilang sa makikinabang dito ang 16,000 manggagawa na nasa informal sector.
Ayon pa kay Bello, tinatayang nasa P1.3 bilyon ang nakalaan sa COVID Adjustment Measures Program kung saan inaasahang makikinabang ang may 250,000 manggagawa o katumbas ng P5,000 na ayuda sa bawat apektado ng tigil-trabaho.
Ang inisyal na alokasyon para sa TUPAD ay para sa mga barangay works tulad ng pag-disinfect sa mga komunidad.
Kaugnay nito, umapela ang kalihim sa mga employer na bigyan ng tulong-pinansiyal ang mga manggagawang naapektuhan dahil sa public emergency na ito.





Comments