Mga year of the Tiger, mas iniisip ang tingin ng iba kesa kapakanan ng sarili at pamilya
- Maestro Honorio Ong
- Mar 17, 2020
- 3 min read

Ituloy natin ang pag-aanalisa sa magiging kapalaran ng 12 animal signs ngayong 2020 o Year of the Metal Rat.
Noong mga nakaraang isyu, tinalakay natin ang kapalaran ng mga isinilang sa animal sign na Rat o Daga, gayundin, silang mga isinilang sa animal sign na Ox o Baka. Sa isyung ito, tatalakayin natin ang ugali at magiging sadlakang kapalaran ng mga isinilang sa animal sign na Tiger.
Kung ikaw ay isinilang noong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022, ikaw ay tatawaging may Tiger personality. Isang katotohanang dapat malaman ng lahat na kung ikaw ay isinilang sa animal sign na Tiger, sa Western Astrology, ito rin ang sign na Aquarius na may ruling planet na Uranus. Iigting nang mabuti ang iyong kapalaran sa alas-3:00 ng madaling-araw hanggang sa alas-5:00 ng madaling-araw at ang mapalad mong direksiyon ay ang east o silangan, gayundin ang east-northeast o hilagang-silangan.
Ayon sa matandang paniniwala sa China, sinasabing kapag ang bahay ay may naninirahang Tigre, sila ay tiyak na maililigtas sa halos lahat ng uri ng kalamidad, lalo na sa sunog, magnanakaw at multo o laman-lupa.
Ang pagiging malikot, mabilis kumilos, palaging nagmamadali at nagpapapansin ay ilan lamang sa mga pangunahing ugali ng Tigre. Dagdag pa rito, palagi rin niyang iniintindi ang sasabihin ng ibang tao kaya kadalasan ay hindi siya “at ease” sa kanyang sarili at sa anumang sitwasyon. Tulad ng nasabi na, nauuna niyang isipin ang tingin at sasabihin ng ibang tao kaysa sa personal niyang objective o layunin. Dahil dito, karamihan sa mga isinilang sa animal sign na Tiger ay hindi gaanong nagiging masaya sa kanilang buhay. Kaya kung ikaw ay Tigre, mas mainam na huwag mong gaanong intindihin ang sasabihin ng mga tao o ng mga nasa kapaligiran mo, sa halip, ang dapat mong unahin ay ang personal mong layunin, gusto o ang kapakanan ng iyong pamilya kaysa sa ibang tao. Sa ganitong paraan, kapag inuna mo ang sarili mo o ang iyong pamilya kaysa sa sasabihin ng ibang tao, higit na magiging maligaya ang buhay mo habang ikaw ay nakikisalamuha sa lipunang ginagalawan mo.
Bukod sa may taglay na pang-akit, sinasabing likas na mabait ang Tigre, magaling makisama at masayahin. Ang problema lang sa Tigre ay ang likas niyang pagiging rebellious o ayaw sumunod sa kalakarang umiiral. Sabagay, sa puntong ito ay hindi natin masisisi ang Tigre dahil para sa kanya, ang gusto niya ay magkaroon ng pagbabago at kakaiba sa kanyang buhay.
Madaling nagsasawa ang Tigre sa mga kumbensiyunal o makalumang pamamaraan kaya para sa kanya, isa lang ang pinakamagandang diskarte upang maayos ang mundo — ang baguhin ang sistema ng gobyerno, relihiyon at pamahalaang umiiral.
Sa kabila ng pagiging rebellious, sinasabing ang Tigre ay optimistic sa kanyang buhay kung saan higit na nakikita niyang uunlad at magiging maligaya pa ang lahat sa kahit anong mahirap na sitwasyon na kanyang mapasukan. Sa madaling salita, para sa Tigre, walang negatibong pangyayari dahil iniisip niya na ang lahat ng sitwasyon ay mauuwi rin sa maganda at masarap na pamumuhay.
Kaya naman walang ibang ginagawa ang Tigre kundi kumilos nang kumilos kaya natatapos agad ang gusto niya o ang anumang gawain na ipinatong sa kanyang balikat. At dahil nagmamadali ang Tigre at gusto niya ay areglado ang lahat ng bagay na ipinagagawa sa kanya, minsan, siya ay madaling mainis at nabe-burnout.
Sa ganitong sitwasyon, kapag sobrang naguguluhan sa mga nangyayari sa kayang paligid ang Tigre dahil na-burnout siya sa sobrang pagod at pressure, sadyang napakahalaga para sa kanya ang pahinga, meditation at pamamasyal sa mga lugar na malapit sa nature.
Sa ganitong paraan, maiiwasang magkasakit ang Tigre, sa halip, mapananatili niya ang kanyang kalusugan, likas na karisma at ang susunod na mga pangyayari ay muling babalik ang dati niyang lakas at kasiglahan upang haraping muli ang bagong araw at gawain.
(Itutuloy)




Comments