Mga health professionals at iba pang lumalaban sa COVID-19, dapat lang pasalamatan
- Korina Sanchez
- Mar 17, 2020
- 2 min read
Nais nating gamitin ang pagkakataong ito upang pasalamatan nang husto ang mga kababayan natin sa sektor ng kalusugan — silang mga healthcare professionals tulad ng mga doktor, nurse, med-tech, dialysis technician, nursing aide, volunteers, gayundin ang mga naglilinis ng mga ospital at kung saan-saan pa.
Pasalamatan din natin ang mga dalubhasa na nakalikha ng COVID-19 testing kits na mas mura ang halaga. Huwag nating kalimutan ang kanilang sakripisyo pati na rin ang peligrong hinaharap nila.
Sa Philippine Heart Center ay may 13 Persons Under Investigation (PUI) at 10 Persons Under Monitoring (PUM) dahil lahat sila ay nakasalamuha si Patient 37 (PH37) na namatay na. Habang lahat tayo ay nasa bahay upang iwasang mahawa, sila ay nasa sentro ng krisis. Maraming salamat sa kanila para sa tila walang kapagurang serbisyo.
Samantala, nagsimula na ang curfew sa buong Metro Manila mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga. Inilalatag na ng gobyerno ang mga patakaran at alituntunin hinggil sa curfew para walang malilito. Magkakaroon ng mga checkpoints kung saan tatanungin kung ano ang dahilan kung bakit lalabas o papasok ng Mero Manila. Pero papayagan naman basta may pruweba tulad ng mga ID o CEO ng kumpanya o ospital.
Suspendido na rin ang Angkas at JoyRide at iba pang motorcycle taxi sapagkat hindi maipatutupad ang social distancing sa sasakyang ito.
Kaugnay nito, sarado na rin ang mga mall pero ang mga store nito tulad ng supermarket, hardware, pharmacy at iba pang nagbebenta ng pangunahing pangangailangan ay papayagan umanong magbukas.
Sa ngayon, masanay na muna tayo sa ganitong pamumuhay na tatagal lamang ng isang buwan. Sa totoo lang, hindi natin masasabi ang mga puwedeng mangyari sa mga susunod na araw kaya imbes na magmatigas ay sumunod na lamang tayo sa mga abiso ng kinauukulan. Gayundin, ipagdasal nating matapos na ang kalbaryong ito nang sa gayun ay muling magbalik sa normal ang pamumuhay ng bawat isa.





Comments