Shocking sa dami ang mga adik na tsuper nasa Metro Manila!!!
- Bong Revilla
- Mar 16, 2020
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Noong nakaraang taon ay nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang ibalik ang mandatory drug testing sa pagkuha ng drivers license na ilang taon nang inalis sa Land Transportation Office (LTO).
Isa sa mga dahilan kaya naalis ang mandatory drug testing ay dahil naging sanhi umano ito ng talamak na korupsiyon mula sa ilang tiwaling empleyado ng LTO.
Ang resulta, tila dumami ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga tsuper na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na noon ay mabibilang lang sa mga daliri.
At pag-upung-pag-upo pa lamang ni Pangulong Duterte ay nais niyang ibalik agad ang mandatory drug testing sa pagkuha o pag-renew ng lisensiya sa LTO dahil ramdam niyang darami ang mga tsuper na gumagamit ng ilegal na droga.
Marami sa mga driver ang natatakot nang humawak ng manibela dahil sa takot na antukin habang nagmamaneho kaya ang naisip nilang solusyon ay gumamit ng shabu.
Hindi raw dinadalaw ng antok ang ‘nakasinghot ng shabu’ ngunit hindi nila alam na bumabagal ang kanilang desisyon at paggalaw na hindi na sumasabay sa kanilang pag-iisip, lalo na kapag pawala na ang epekto ilegal na droga.
Karamihan sa mga tsuper na gumagamit ng shabu ay ang mga truck driver na galing probinsiya na halos 12-oras nagmamaneho nang walang kapalit at naghahabol sa oras para maihatid ang lulan ng kanilang truck sa destinasyon nito.
Bihirang-bihira na rin ngayon ang mga taxi operators na 12-oras na lamang ipinalalabas ang kanilang taxi dahil karamihan ay 24-oras na at diretso itong minamaneho ng mga tsuper, maghapon at magdamag.
Dahil dito ay kailangang labanan ng mga tsuper ang antok dahil kung hindi ay tiyak na mag-aabono sila sa boundary at kung iidlip naman sila ng ilang oras ay malaking kita ang mawawala sa kanila.
Ilan lamang ito sa mga makatotohanang dahilan ng mga tsuper na hindi masolusyunan ng kanilang mga operator kaya kahit labag sa kanilang kalooban ay naobliga silang tumira ng shabu na akala nila ay tamang paraan.
Kamakailan lamang ay nagsagawa ng nationwide random drug test sa 4, 762 tsuper ang LTO sa limang rehiyon sa bansa at nakagugulat na umabot sa 116 ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.
Ang random testing na isinagawa ng LTO ay nagsimula noong Hulyo, 2019 hanggang Pebrero ng taong kasalukuyan at ang 80 sa mga nagpositibo ay mula sa Metro Manila, 13 sa Central Luzon, 15 sa CALABARZON, 2 sa MIMAROPA at Bicol Region.
Ito ay random testing lamang, paano kung sasalain talaga ang mga tsuper, tiyak na napakarami na ng adik at marami sa ating mga kababayan ang ipinagkakatiwala ang kanilang buhay sa pagmamaneho ng mga adik na ito.
Nitong mga nagdaang linggo ay sunud-sunod ang mga aksidente na ang mga tsuper ay aminadong gumagamit ng shabu, ito ay dahil maluwag silang nakakakuha ng lisensiya sa pagmamaneho kahit adik.
Dapat talaga ay ipatupad ng mahigpit ang drug testing bago makakuha ng lisensiya at asahan nating magrereklamo ang mga tsuper sa dagdag-gastos, pero sa shabu, hindi sila nagrereklamo sa presyo!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments