Commuters, sumunod na lang sa utos ng DOTr para sa kabutihan ng lahat laban sa COVID-19
- Ryan B. Sison
- Mar 16, 2020
- 2 min read

Nagsimula na kahapon ang “community quarantine” sa Metro Manila bilang hakbang sa pagpigil sa pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Kaugnay nito, naglatag ang Department of Transportation (DOTr) ng magiging patakaran sa transportasyon hinggil sa community quarantine.
Para sa mga taxi at Transportation Network Vehicle Service (TNVS) tulad ng Grab, apat na pasahero lang ang puwedeng sumakay kabilang na ang driver at dapat ay 1 seat apart lang.
Ipatutupad naman ang half-capacity policy sa UV Express at jeep kung saan dapat ay naka-1 seat apart ang mga pasahero at hanggang 6 lang ang pasahero kasama ang driver ng UV Express habang sa jeep, kalahati lang ng karaniwang kapasidad, gayundin, hindi puwedeng sumabit.
Hindi dapat lumagpas sa 25 ang sakay ng bus kasama ang driver at konduktor, 1 seat apart at walang nakatayong pasahero.
Suspendido naman ang pilot testing ng motorcycle taxi habang pananatilihin ang social distancing sa tren mula sa pila, loob ng istasyon, platform at bagon. Hahatiin ang mga bagon na para sa babae, buntis at senior citizens para bigyan ng espesyal na espasyo ang senior citizens.
Samantala, may hirit naman ang ilang PUV drivers hinggil sa half-capacity policy dahil imposible umano itong maipatupad dahil sa mga pasaway na pasahero.
Anila, kahit gusto nilang sundin ang kautusan, balewala ito kung hindi mapipigilan sa pagsakay ang mga pasahero, lalo na kung rush hour at nagmamadali ang mga ito.
Ang paglilimita sa mga pasahero kada sasakyan ay posible umano kung may mga pulis na nakapuwesto sa mga babaan at sakayan.
At kahit tiyak na maaapektuhan ang kanilang kikitain, wala silang choice kundi ang magsakripisyo.
Kung kayang isakripisyo ng mga drayber ang kikitain nila para sumunod sa utos, sana ay kaya rin natin itong gawin.
Oo nga’t gusto nating makauwi agad pagkatapos magtrabaho, pero isusugal ba natin ang ating kaligtasan para makipagsiksikan? Hindi ba, sa ganitong paraan, lalong tataas ang tsansa na mahawa tayo ng sakit?
Lahat tayo ay apektado ng problemang ito kaya sana, isipin natin ang kapakanan ng nakararami.
Sa sitwasyong kinahaharap ng ating bansa, napakahalagang sumunod sa ipinapayo ng pamahalaan kesa magpasaway at mangatwiran.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments