top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Epalitikong konsehal, gamit na gamit ang COVID-19 makapagpapogi lang

  • Ryan B. Sison
  • Mar 15, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kapag may problema sa nasasakupan, aksiyunan.

Ganito naman talaga ang dapat gawin ng mga lokal na pamahalaan bilang pagsisilbi sa taumbayan.

At kung may mga LGU na missing-in-action sa oras ng pangangailangan, siyempre, meron ding ipinangangalandakan ang kanilang pagkilos o ‘yung mga “epalitiko”. Viral ngayon sa social media ang post hinggil sa pamimigay ng sandamakmak na alcohol ng isang konsehal.

Sa post ng netizen, namakyaw ng alcohol ang konsehal sa Bambang para ipamahagi sa mga nasasakupan, pero natagalan bago ito ipamigay dahil hindi pa umano tapos ang pag-imprenta ng stickers na may mukha nito na idinikit sa mga bote.

Sa kalagitnaan ng pagkakaubusan ng suplay ng alcohol at iba pang sanitary products, sa halip na matuwa ang mga netizens sa hakbang na ito, marami ang nabuwisit dahil tila nangangampanya umano ang konsehal.

Kailangan ba talagang kasama ang mukha sa ipamimigay na alcohol? Mas epektib ba ito kapag may mukha ang bote?

Teka, saan ba galing ang perang ginastos para magpaimprenta ng stickers, sariling pera o pera ng taumbayan? Sana, itinabi na lang ito at ipinambili ng iba pang supplies, saka ipinamahagi para mas marami ang makinabang.

Oo nga’t maganda ang layunin ninyo na makatulong sa taumbayan, pero ‘wag na sanang gamitin ang sitwasyon para mamolitika.

Tungkulin ninyong umaksiyon kapag may problema sa inyong nasasakupan at hindi para magpasikat kaya sana, magpokus tayo sa pagkilos at pagiging totoong lingkod-bayan.

Ngayon n’yo ipakita na karapat-dapat kayong umupo sa puwesto dahil may kakayahan kayong magsilbi sa taumbayan.

Iwasan na sana natin ‘yung mga bagay na hindi naman kailangang gawin. Kumbaga, tuloy pa rin ang pagtulong at pag-aksiyon, pero ‘wag nang haluan ng pag-epal.

Kung mula sa puso ang gagawin ninyong pagkilos, hindi n’yo kailangang tadtarin ng mukha ninyo ang mga proyekto o produktong ipinamimigay ninyo para hindi kayo malimutan ng taumbayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page