Makaka-jackpot kung tataya sa lotto outlet na nasa medyo dulo ng kalsada
- Maestro Honorio Ong
- Mar 14, 2020
- 2 min read
Dear Maestro, Madalas akong tumataya sa lotto, pero hindi ako nananalo ng jackpot. Kung susumahin ang natalo sa akin mula nang mag-alaga ako ng numero, malaki na ring halaga kaya balak kong palitan o dagdagan ang mga inaalagaan kong numero.
Anu-anong mga numero ang masuwerte sa akin? Balak kong magtayo ng negosyo kapag nanalo ako at bilhin ang lupa sa tapat ng bahay namin na matagal nang pangarap mabili ng misis ko. Mabibili kaya namin ito pagdating ng araw? Pangarap din naming yumaman, sa palagay n’yo, Maestro, yayaman kaya kami at kailan kaya ito mangyayari? October 17, 1975 ang birthday ko.
Umaasa, Wency Catmon, Malolos City, Bulacan
Dear Wency, Ayon sa birth date mong 17 o 8 (1+7=8) sa destiny number na 4 (10+17+1975=2002/ 20+02=22/ 2+2=4) at sa zodiac sign na Libra, kung ang iyong asawa ay Sagittarius o isinilang sa buwan ng Disyembre hanggang Enero, tiyak ang magaganap, lalo na kung 1, 10, 19 at 28 ang kanyang birth date, darating ang araw na matutupad ang pangarap ninyong makabili ng sariling lote o lupa at magkakaroon pa kayo ng maraming negosyo at ari-arian.
Ganu’n ang pag-aanalisa, sapagkat ang pagsasama ng birth date na 8 (kabilang silang mga may numerong 8, 17 at 26) at numerong 1 (1, 10, 19 at 28) ay sadyang itinatalang mapalad at masagana, lalo na sa aspetong pampinansiyal, higit lalo kung isa sa inyo ay chubby o mataba. Ibig sabihin, kung may mag-asawang otso at uno na nagsama at ang isa sa kanila ay mataba, paniguradong darating ang tamang panahon na yayaman sila, lalo na kung ang isa sa kanila ay may malaki o kitang-kitang nunal sa mukha.
Samantala, bukod sa sarili mong numero na 8, mapalad ka rin sa lahat ng numero na may sumatutal na 7, 9, 4 at 1, tulad ng 16, 22, 25, 31, 34, 40, 43, 18, 27, 36, 45, 10, 19, 28, 37 at iba pang kauri nito. Puwede mo ring subukan ang 1, 12, 18, 27, 35 at 40, ganundin ang 6, 15, 22, 31, 37 at 41. Maaari ka ring humugot ng kombinasyon mula sa Quabbalistic of Numbers: 9152/ 1173/ 1821/ 1972.
Upang masigurado ang malaking panalo, maghanap ka ng lotto outlet na malapit sa isang “end of the road” o medyo dulo na ng kalsada. Ang nasabing lotto outlet ang magpapatama sa iyo ng jackpot at maaaring sa ganu’ng estilo ng lupa rin maitayo ang pangarap n’yong house and lot.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kusang aangat ang graph ng pag-unlad sa aspetong pangkabuhayan at pananalapi ngayong 2020 hanggang sa tuluyan kang tumuntong sa edad na 50 sa 2025 kung saan sa panahong tinuran, magaganap at mararamdaman n’yong mag-asawa ang unti-unti ninyong pagyaman.
Hinggil naman sa itinatanong mong mga numero na inaalagaan sa lotto, tunay ngang ang nakatadhana, mag-alaga ka man o hindi ng numero sa lotto at sinasabi ring tumama ka man ng jackpot o hindi, walang ibang magaganap, sa edad mong 50 pataas, sa taong 2025, magsisimula ka nang yumaman.




Comments