Community quarantine sa Metro Manila, nakakalito; madlang pipol, lalong nag-panic
Kasunod ng public address ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang kalituhan.
Hindi agad nabigyang-linaw ang kahulugan ng idineklarang ‘community quarantine’ sa Metro Manila. Ang resulta, dumami ang nag-panic-buying at dinagsa rin ang mga terminal palabas ng Metro Manila. Kaya ‘yung ipinapayong ‘social distancing’ o pag-iwas sa matataong lugar, dito pa lang ay hindi na nangyari.
At ito ang paliwanag ng kinauukulan kaugnay sa ipatutupad na ‘community quarantine’ na magsisimula bukas, Marso 15, sasailalim sa checkpoint ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng sasakyan — pribado man o pampubliko na maglalabas-masok sa Metro Manila.
Ibig sabihin, ang lahat naman ng trabahador ay papayagang makapasok at makalabas ng Metro Manila basta may maipakikitang lehitimong company ID.
Gayundin ang mga gumagamit ng pribadong sasakyan, maaaring parahin sa checkpoint para masuri kung talagang papasok sa trabaho ang sakay nito.
Samantala, ang mga bus, jeep, UV at iba pang pampublikong sasakyan ay puwedeng akyatin ng mga pulis para i-check din ang mga pasahero. Hassle o abalang maituturing, subali’t narito na tayo sa sitwasyon na kailangang sumunod at makipag-cooperate.
Pakiusap din natin sa mga awtoridad, maging magalang, mahinahon at maingat. Sa ganitong pagkakataon, madalas ay hindi natin maiwasan na magkaroon ng hindi pagkakaunawaan lalo na kapag may panic o nangingibabaw ang emosyon.
Uunahan na rin natin ang mga pasaway d’yan na puwedeng samantalahin ang sitwasyon para gumawa ng kalokohan, huwag n’yo nang subukan. Utang na loob, ‘wag na kayong dumagdag sa problema.
Muli, palagi tayong maging mahinahon, unawain ang mga pangyayari, magtulungan at umasang matatapos din ang lahat ng ito. Higit sa lahat, dapat tayong may matutunan sa ating mga pinagdaraanan.





Comments