‘Wag OA sa panic-buying, hindi pa magugunaw ang mundo
Napakahabang pila ang madaratnan ng bawat isa sa parking lot, cashier at iba pa kapag pupuntang mall o supermarket. Tila mauubusan ang mga mamimili kung makakuha ng mga produkto sa mga estante. Dose-dosenang alcohol, tissue, hand sanitizer at iba pang pamproteksiyon para sa virus ang binibili ng bawat isa. May iba rin na puro pagkain tulad ng noodles, de-lata, tinapay at iba pang survival foods ang laman ng shopping cart. May ilan din na pumapakyaw ng clorox, bleach at iba pang panlinis. Sa totoo lang, kung magkagulo ngayon ang tao, akala mo’y magugunaw na ang mundo.
Ganito ang epekto at takot bunsod ng pagdami ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, partikular sa Metro Manila. Samantala, umakyat na sa 52 ang bilang ng mga ito at meron pang hanggang ngayon ay Person Under Investigation (PUI).
Ang paghahakot o pagpa-panic-buying sa mga suplay ng pagkain at kagamitan ay para maiwasan ang madalas na paglabas ng bahay. Pati na sa mga botika ay may panic-buying ng gamot para sa lagnat at ubo.
Sa kabila nito, nagpahayag ang Palasyo na walang masama sa pamimili pero mas makabubuti kung ang bibilhin lang ay ang kailangan. Kung maraming negosyo ang nalulugi ngayon dahil walang customer, tiba-tiba naman ang mga supermarket at botika.
Samantala, inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang nalikha ng mga dalubhasa sa University of the Philippines na testing kits para sa COVID-19.
Magandang balita ito dahil kulang ang bilang ng test kits ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Magagamit ang testing kits para sa tila dumaraming may sintomas ng COVID-19.
Kaugnay nito, kailangan ding linawin ng gobyerno kung sila ang responsable sa mga gastusin ng mga nagpositibo sa COVID-19. At kung dumarami ang mga kaso, saan sila magpapagamot at sagot din ba ito ng gobyerno?
Sa ngayon, patuloy lamang tayong makibalita sa mga susunod na abiso mula sa pangulo.





Comments