top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Sexy star, aminadong na-bully sa school… Madir, napagkamalang kasambahay ni Ivana

  • Ador Saluta
  • Mar 11, 2020
  • 3 min read

Ikinuwento ng sexy actress na si Ivana Alawi, 23, sa Magandang Buhay nitong Lunes (Marso 3) ang karanasan niya sa panghuhusga ng iba sa pisikal na anyo o kulay ng isang tao. Biktima rin daw kasi ng panghuhusga ang kanyang ina.

Isang Moroccan ang father ni Ivana, si Samier Al-Alawi at sa Bahrain siya lumaki kasama ng kanyang dalawang nakatatandang kapatid at sa nasabing bansa niya naranasan ang panghuhusga ng iba.

Umpisang kuwento ng sexy actress, “Kasi nag-aral kami sa Bahrain. So more of, like, mga Arabs ang nandu’n.”

Hands-on daw talaga ang kanyang mommy na isang Filipina, si Fatima Marbella sa kanilang magkakapatid kaya’t ito na rin ang sumusundo sa kanila sa school.

“And then, nu’ng sinusundo niya kami... May iilang tao, mga estudyante saka ‘yung nanay, mababa ‘yung tingin sa mga Pilipino.”

At harap-harapan daw nilang tinanong si Ivana ng “Is that your helper?” na agad niyang binuweltahan ng “No! That’s my mom.”

Katwiran pa ni Ivana, “Para sa akin, huwag mong mamaliitin ang mga Pinoy kasi masisipag kami, and we work [hard] talaga.”

Bata pa lang si Ivana nang maghiwalay ang mga magulang niya at nagdesisyon ang kanyang inang bumalik sa Pilipinas.

Noong panahong ‘yun ay ipinagbubuntis daw ng kanyang ina ang GMA-7 child star na si Mona Louise Rey, ang bunso sa kanilang apat na magkakapatid.

Habang nasa ‘Pinas at nangangarap para sa kanyang future, ang ina raw niya ang hindi nagsawang suportahan ang pangarap niyang mag-artista sa kabila ng mga pinagdaanan niyang rejections.

“Ang dami! Sa mga commercials, lahat reject talaga, eh. Tapos after nu’n, si Mona, lahat natatanggap. So, sabi ko, ‘Baka sa kanya... for her na lang.’”

Maagang nakapasok sa showbiz si Mona. Sa edad na 5, nagsimula siyang mapanood sa mga teleserye ng GMA-7 tulad ng Munting Heredera, Aso ni San Roque at Bukod Kang Pinagpala.

Sinubukan ni Ivana na sumali sa ABS-CBN reality show na Pinoy Big Brother. Sa pagkakatanda pa raw niya ay nasa pang-mahigit 10,400 siya sa pila. Nakasama raw sa “shortlist” si Ivana, pero hindi na siya nakatanggap ng “callback.”

Muntik na nga raw siyang sumuko dahil napapagod na siya. Pati sa GMA-7 reality show na StarStruck ay bigo ring makapasok si Ivana noong 2015.

Fourteen years old si Ivana nang magsimula sa TV commercials, at 21 years old na siya nang unang lumabas sa telebisyon bilang “extra.”

Kahit maliit lang ang kanyang role ay madalas daw siyang samahan ng ina sa mga taping at tinutulungan pa siya sa throw lines niya kahit 2 lang ang kanyang linya.

Nang magdesisyon si Ivana na tigilan na ang showbiz, pinag-isipan daw niya kung mag-aaral pa ulit bukod sa natapos niyang kursong Pastry Arts. Pero hindi raw nawalan ng pag-asa ang kanyang ina na balang-araw ay susuwertehin din si Ivana sa pag-aartista.

Nag-send ang kanyang ina ng mga pictures ni Ivana sa limang managers at nang i-meet niya si Perry Lansigan na manager din ni Dingdong Dantes, diretsahan niyang sinabi rito na “sexy” ang gusto niyang tahaking career sakaling kunin siyang talent nito.

Pumayag daw agad si Perry at ipinasok siya sa Araw Gabi, ang teleseryeng pinagbidahan nina Barbie Imperial at JM de Guzman noong 2018.

Pero mas napansin si Ivana bilang girlfriend ni Gustavo, played by the late Eddie Garcia sa FPJ’s Ang Probinsyano.

Noong 2019, isa si Ivana sa mga bida ng ABS-CBN primetime series na Sino Ang May Sala? kasama sina Jodi Santamaria, Bela Padilla, Tony Labrusca, Ketchup Eusebio at Kit Thompson.

Sa sumunod pang kuwento ni Ivana, mas nakilala raw siya noong maging aktibo siya sa paggawa ng YouTube vlogs mula noong August, 2019 kung saan madalas napapanood ang pagiging sexy niya, pero kuwela at walang arte kung kumilos sa bahay. Madalas din niyang kasama sa kanyang vlogs ang ina, pati ang bunsong kapatid na si Mona.

Pagpasok ng taong 2020, meron nang mahigit three million subscribers si Ivana, at ngayon ay umabot na sa 4.58 million.

February 7, 2020 nang opisyal siyang pumirma bilang exclusive artist ng ABS-CBN. Pagbibidahan niya ang teleseryeng Ang Lihim ni Ligaya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page