top of page
Pokwang.jpg

COVID-19 para ‘di lalong kumalat.. Lockdown sa Metro Manila

V. Reyes
Mar 10, 2020
2 min read

May pangangailangan na umanong magpatupad ng lockdown sa Metro Manila at ideklara nang walang pasok sa loob ng isang linggo bilang paraan ng pag-iingat na lumaganap ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ikinatwiran ni Albay Rep. Joey Salceda na dahil nasa Metro Manila ang maraming kaso ng COVID-19, makatwiran lang na suspendihin muna ng isang linggo ang pasok sa eskuwela at sa mga trabaho upang magkaroon ng pagkakataon na magsagawa ng paglilinis.

Dahil malapit na rin naman ang bakasyon sa eskuwela, makabubuti aniyang maaga nang itakda ng Department of Education (DepEd) ang summer break.

Nais din ng kongresista na isara muna ang mga paliparan para sa domestic flights, South Luzon Expressway (SLEX), North Luzon Expressway (NLEX) at mga railway upang hindi na kumalat pa sa ibang probinsiya ang COVID-19.

Ang exempted lang sa temporary entry ban sa NCR ay ang pagbiyahe ng mga pagkain, gamot at nauukol sa pangkalusugan.

Binigyan-diin ni Salceda na bagamat, tinatayang nasa P100 bilyon ang mawawala sa ekonomiya ng bansa dahil sa NCR lockdown, aabot naman sa P218.5 bilyon ang mawawala kapag lumaganap ang COVID-19. Samantala, ipinasisiguro ni Iligan City Rep. Frederick Siao sa sektor ng transportasyon na nasusunod ang mga hakbang para manatiling ligtas sa paglaganap ng COVID-19.

Ayon kay Siao, kailangang tiyakin ng local government units, MMDA at LTFRB na may umiiral na public health procedures sa mga transport company.

Kabilang dito ang pagtiyak na may tubig at sabon at regular na malinis ang mga palikuran sa terminal.

Ang mga madalas na hawakan ng tao sa mga sasakyan tulad ng baggage compartment, doorknob, handle bar, railing, bintana, upuan at armrest ay dapat na malimit na nalilinis ng mabuti.

Inirerekomenda pa ni Siao na masigurong malinis sa pangangatawan at nasa mabuting kalusugan ang mga drayber at kundoktor tulad ng pananatiling malinis ng kanilang mga ibinibiyaheng sasakyan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page