top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Klase, i-FB live na lang para iwas-COVID-19

  • Editoryal
  • Mar 8, 2020
  • 2 min read

Isang alkalde sa Metro Manila ang humirit na huwag nang papasukin ang mga estudyante hanggang sa matapos ang school year kung saan dalawa hanggang tatlong linggo na lang naman ang natitira at nakiusap na automatic na silang ipasa.

Hati ang naging reaksiyon ng publiko sa panukala ng alkalde. May mga pumabor alang-alang sa pag-iwas sa nakahahawang sakit habang may iba namang nainggit at napa-”sana all”.

‘Ika nga, prevention is better than cure at kumpara sa ating mga magulang, masasabing hindi pa sapat ang kakayahan lalo na ng mga bata pagdating sa paglaban sa sakit.

Kung mapagbibigyan ang pakiusap ni mayor na huwag nang papasukin ang mga bata, dapat bigyan pa rin sila ng mga assignment nang hindi naman masayang ang ilang linggo.

Puwede ring mag-home schooling nang naka-online tulad ng Facebook Live. Siguro naman, bawat pamilya ay may cellphone na puwedeng magamit, ‘yung budget sa baon, ipang-load muna. Madiskarte rin naman ang ating mga titser, konting adjustment at effort ay maitatawid pa rin ang mga aralin.

Matatandaang, may ilang eskuwelahan na rin ang gumagawa nito mula nang kumalat ang COVID-19. Kumbaga, sa kabila ng epidemya, tuloy ang aral. Pagkakataon na rin ito upang mas maunawaan ng mga mag-aaral ang bantang hatid ng COVID-19 at ng iba pang virus. Mas direkta nilang nararanasan na hindi ito biro at dapat labanan.

Samantala, sa ganitong sitwasyon ay hindi lang ang mga anak ang dapat na maiiwas sa sakit kundi maging ang mga magulang. Safe nga ang mga bata sa loob ng bahay, paano naman kung sina tatay at nanay na galing sa trabaho ang makapag-uwi ng virus?

Ibig sabihin ba nito ay huwag na ring papasukin sa trabaho? Siyempre, hindi naman uubra ‘yun. Tulad ng binanggit natin, higit na may kakayahan at kaalaman naman tayo pagdating sa pag-iingat sa ating kalusugan. Alamin ang mga dapat gawin laban sa COVID-19 at iba pang sakit at ituro ito sa ating mga anak.

Higit sa lahat, palaging makibalita at huwag lang sa virus umiwas kundi maging sa fake news.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page