Pagbasura sa kaso ng ill-gotten wealth ng mga Marcos, pinagtibay
- V. Reyes
- Mar 7, 2020
- 1 min read

Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ng gobyerno para mapabaligtad ang naunang desisyon nitong ibasura ang P267 milyon ill-gotten wealth case laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos, dating First Lady Imelda Marcos at kanilang mga crony.
Sa walong pahinang resolusyon ng Anti-Graft Court, pinagtibay nito ang desisyon noong Oktubre ng nakaraang taon na nagbabasura sa kaso laban sa mga Marcos, gayundin sa mga crony na si Fe Roa Gimenez at kanyang asawang si Ignacio; Vilma
Bautista at asawang si Gregorio, at iba pa.
Ikinakatwiran sa desisyon na hindi nakasapat ang mga ebidensiyang inilatag ng prosekusyon upang mapabaligtad ang hatol ng Sandiganbayan. Nabigo umano ang mga tagausig ng pamahalaan na patunayang bahagi ng public records ang mga dokumento kahit pa nasertipikahang true copies ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).
Nabigo rin umano ang gobyerno na patunayang nawala, nasira o hindi maihaharap sa korte ang orihinal na mga kopya ng sinasabing mga ebidensiya.
Idinagdag pa sa desisyon ng Sandiganbayan na hindi sapat na katibayan na nagkamal ng ilegal na yaman ang mag-asawang Gimenez dahil nasamsam ng PCGG ang assets nito.
Sa ilalim ng Civil Case 0007, inaakusahan ang mag-asawang Gimenez na nagkaroon ng yaman na kabuuang P93 milyon na mas malaki sa idineklara nitong P955,273.71 mula noong 1981 hanggang 1985 sa kanilang Statement of Assets, Liabilities and Networth.
Katulad din nito ang alegasyon sa mag-asawang Bautista.





Comments