2 Pinoy, positive sa COVID-19; ‘panlaban’ ng DOH... TikTok!
- Editoryal
- Mar 7, 2020
- 1 min read
Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DOH) ang dalawa pang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ang dalawang bagong kaso ay kinabibilangan ng dalawang lalaking Pinoy, na ang isa ay 48-anyos at may travel history sa Japan, habang ang isa ay edad 62, hindi bumiyahe saanmang bansang apektado ng sakit.
Kaugnay nito, agad namang nilinaw ng pamunuan ng DOH na masyado pang maaga para sabihing may local transmission na ng COVID-19 sa bansa. Kaya kailangang magsagawa ng contact tracing para sa mga nakasalamuha ng dalawang nagpositibo sa COVID-19.
At tulad ng palaging paalala sa publiko tuwing may mga bagong kaganapan sa nasabing sakit, manatiling kalmado at utang na loob, tigilan ang paglalabas ng kung anu-anong espekulasyon. Hayaan natin ang mga doktor at eksperto na mag-update, huwag masyadong pabibo dahil nakagugulo lang ‘yan sa sitwasyon. Paalala lang, may parusang naghihintay sa mga magpapakalat ng maling impormasyon o fake news kaugnay ng COVID-19.
Samantala, tila hindi naman nagpahuli ang DOH sa nauusong TikTok. Gamit ang short-form mobile videos, maglalabas ng mga video ang ahensiya na may impormasyon para makaiwas sa sakit tulad nitong COVID-19. Ang unang video sa kanilang TikTok account na dohgovph ay may hashtag na covidance challenge. Sa maiksing video ay hinihimok ang publiko na pangalagaan ang sarili para makaiwas sa COVID-19.
Bukod sa TikTok, umaasa tayo na talagang handa ang gobyerno sa anumang puwedeng mangyari kaugnay nitong kumakalat na virus. Tulad ng palagi nilang sinasabi, may nakalatag nang protocols at nakatakda na ring aprubahan ang kinakailangang budget bilang pagtugon sa COVID-19. At ‘yan ang nais nating matiyak para maiwasan ang panic. Huwag namang mangyari na face mask na lang, nagkakaubusan pa.





Comments