7 pang sakay nadale.. Chopper ng PNP Chief bumagsak, nagliyab

Nasa kritikal na kondisyon ang dalawang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos bumagsak ang sinakyan nilang helicopter kasama si PNP Chief General Archie Gamboa sa San Pedro, Laguna.
Ayon kay Police Major General Benigno Durana, Jr., hepe ng PNP Directorate for Police Community Relations, patuloy nang tinututukan ang sensitibong kondisyon nina PNP Director for Intelligence Police Major General Mariel Magaway at Director for Comptrollership Police Major General Jose Maria Ramos na dinala sa Unihealth Hospital and Medical Center sa Binas, Laguna.
Tiniyak ni Durana na ginagawa na rin ang lahat upang agad na maka-recover sina Magaway at Ramos.
Mula naman sa Westlake Medical Center sa Laguna ay inilipat sa St. Luke’s Hospital sa Global City, Taguig si PNP Chief Gen. Gamboa, gayundin si Brigadier General Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP. Kapwa nasa maayos na kalagayan na sina Gamboa at Banac.
Pasado alas-8:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa bisinidad ng Laperal Compound, Bgy. San Antonio sa San Pedro, Laguna habang pa-take off ang PNP Bell 429 helicopter na may registry number RP-3086.
Ani Durana, batay sa paunang pagsisiyasat, sumabit sa high tension wire sa lugar ang helicopter na nagpaikut-ikot bago bumagsak at nasunog. Tinitignan na ng mga awtoridad kung nagkaroon ng pilot error o hindi nakalkula matapos mabalot ng alikabok ang lugar.
Nakilala ang piloto na si Police Lieutenant Colonel Zalatar, co-pilot na si Police Lieutenant Colonel Macawili at chopper technician na si Police Senior Master Sergeant Estona na pawang mga sugatan din.
Sugatan din sa insidente ang aide de camp ni Gen. Gamboa na si Police Captain Gayramara.
Una rito, binisita ni Gamboa at kanyang mga opisyal ang impounding area ng mga nakaw na sasakyan sa nabanggit na compound. Ipinahiram lang umano sa PNP
Highway Patrol Group ang bakanteng lote roon.
Samantala, hindi muna papayagang lumipad ang buong fleet ng rotary-wing aircraft bilang bahagi ng standard procedure sa gitna ng pag-iimbestiga sa insidente.
Aminado si Durana na bago lamang ang nadisgrasyang Bell 429 na mismong si Gamboa pa ang maingat na nag-apruba ng bidding nito noong siya pa ang chairman ng Bids and Awards Committee ng PNP.





Comments