Villanueva, champ sa Malaysia; Fernandez, runner-up sa UAE
- Eddie M. Paez Jr.
- Mar 5, 2020
- 1 min read

Naramdaman ang husay ng mga Pinoy na woodpushers sa ibang bansa matapos na magkampeon si FIDE Master Nelson Villanueva sa isang torneo sa Malaysia habang pumangalawa naman si untitled Daniel Fernandez sa isa pang bakbakan sa United Arab Emirates.
Halos walang dungis ang kartada ni Villanueva, may ELO rating na 2169, nang magsuko ito ng anim na panalo at isang tabla para sa kabuuang 6.5 puntos mula sa pitong rounds para maangkin ang korona ng 8th Kusess International Chess Championships sa Kuala Selangor Indoor Stadium ng Selangor, Malaysia.
Bumuntot sa likod ng Pinoy ang dalawang pambato ng punong-abala na sina Kamaluddin Yusof (2nd, 6.0 puntos) at Muhammad Faqih Aminuddin (3rd, 5.5 puntos) habang nasa pang-apat na baytang si Syrian Addulhasib Alsakkar.
Samantala, nasikwat ni Fernandez ang pangalawang puwesto sa FIDE rated na 14th Abu Dhabi Amateur Chess Tournament dahil sa kanyang naipon na walong panalo mula sa siyam na rounds ng tagisan nang galing. Malaking tulong sa nakamit na karangalan ng Pinoy sa Gitnang Silangan ay ang panghihiya niya noong huling round kay Syrian 2nd seed Hany Alsharif.
Si Duane Rowe ng Jamaica ang nangibabaw sa torneo dahil sa kanyang 8.5 puntos na rekord habang nakuha ni Egyptian Erfan Abdulhamid (7.0 puntos) ang huling upuan sa podium.
Pumang-apat ang isa pang kinatawan ng Egypt (Elsayed Kassem) at nanggulat ang under 14 chesser na si Niranjan ng India matapos siyang pumanglima sa paligsahang inorganisa ng Abu Dhabi Chess & Culture Club at umakit ng 102 disipulo ng ahedres.





Comments