top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagbabasa, susi sa magandang kapalaran ng kabataan, palakasin

  • Kuya Win Gatchalian
  • Mar 5, 2020
  • 2 min read

Alam n’yo ba na marami sa mga mag-aaral sa Bicol Region ang nahihirapang bumasa?

Ayon sa resulta ng Philippine Informal Reading Inventory 2019 (Phil-IRI), higit 20,000 mag-aaral sa Grade 4 hanggang Grade 6 ang nahihirapang bumasa sa English.

Habang 18,000 mag-aaral naman mula Grade 3 hanggang Grade 6 ang nahihirapang magbasa sa Filipino.

Isinagawa rin ang naturang reading assessment sa iba pang mga lugar sa bansa pero sa kasalukuyan ay hindi pa nailalabas ng Department of Education (DepEd) ang kabuuang resulta.

Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, hindi ito madaling ilabas dahil hindi standardized hindi tulad ng National Achievement Test (NAT). Ito ang dahilan kung bakit mahirap gamitin ang nakalap na datos na magsisilbing gabay ng gobyerno sa pagsusuri at paggawa ng mga polisiya. Gayunman, nakapanghihinayang lang na hindi ito magamit ng DepEd sa pagdisenyo ng mga programa at intervention na kailangang gawin para tulungang maiangat ang mababang performance ng mga mag-aaral. Dahil sa mga ipinakitang datos, malinaw kung bakit kailangan natin ng reporma sa ating sistema ng edukasyon upang matiyak na walang batang maiiwan.

Kailangang tutukan nang husto ang resultang ito para matukoy natin ang mga susunod na hakbangin para matulungan ang nahihirapang kabataang mag-aaral.

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, lubos nating hinihimok ang DepEd na makipag-ugnayan sa mga local government unit (LGU) upang palakasin ang mga programa sa pagbabasa.

Isang halimbawa ng programa na inilunsad noong 2014 noong tayo ay alkalde pa ng Lungsod ng Valenzuela ay ang “Summer Reading Camp.” Ito ay isang buwang remedial class na isinasagawa sa loob ng apat na oras kada araw at layon nitong hasain ang kakayahan ng mga mag-aaral na bumasa at intindihin kung ano ang binabasa.

Ipinatupad ito pagkalabas din ng resulta ng Phil-IRI noon kung saan 83 porsiyento ng mga mag-aaral sa nasabing lungsod ang nahihirapang bumasa.

Noong 2016, lumabas sa isang ulat ng Development Academy of the Philippines (DAP) na 5,536 sa higit 6,375 na mga non-reader sa Valenzuela ang nagkaroon na ng sapat na kakayahang bumasa.

Tandaan, na ang kasanayan sa pagbabasa ay malaking susi sa pagkatuto, karunungan at disiplina ng kabataang mag-aaral.

Kaya naman, mahalagang mamuhunan na tayo sa mga batang ito habang maaga pa dahil kapag sila ay nahasa sa pagbabasa, tiyak na malayo ang kanilang mararating.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page