Duda sa BF na lapitin ng chicks pero itinadhanang mapangasawa

Katanungan
1. Nagtatrabaho ako sa BPO at may boyfriend ako na kasamahan ko rin sa trabaho. Sa darating na birthday ko sa April ay 29 na ako kaya gusto ko nang mag-asawa, kaya lang, hindi pa handa ang boyfriend ko. May pinag-aaral pa siyang kapatid at marami pa siyang obligasyon sa kanilang pamilya, pero willing naman akong maghintay. Kaya lang, minsan ay natatakot ako na baka sa bandang huli ay hindi rin kami ang magkatuluyan.
2. Minsan, ipinadadala siya ng company namin sa ibang bansa at alam kong malapit din siya sa ibang babae. Gusto kong makasigurado kung siya na ang makatutuluyan ko sa pamamagitan ng pag-aanalisa ninyo sa guhit ng mga palad ko. Kasagutan
1. Wala kang dapat ipag-alala, Criselda, dahil kapansin-pansing iisa lang ang malinaw at kitang-kitang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung ang kasalukuyan mong boyfriend ang unang naging karelasyon mo, gayundin, seryoso at totohanan naman kayong nagmamahalan, lalo pa kung bumilang na ng taon ang inyong samahan, walang duda, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, kayo pa rin ang magkakatuluyan.
2. Ang pag-aanalisang ang kasalukuyan mong boyfriend ang makatutuluyan mo ay madaling kinumpirma at pinatunayan ng maganda, okay sa alright, walang bilog at hindi rin nalatid na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, sa anumang panahon ng iyong karanasan sa pag-ibig at maging sa anumang uri ng pakikipagrelasyon, walang matinding kabiguan at pagkasiphayong mararanasan.
Kumbaga sa alon ng dagat, panatag na panatag ang tubig ng pagmamahalan hanggang sa ito ay makarating sa baybayin ng pagpapakasal, patungo sa pampang ng pagpapamilya at pagsasama habambuhay.
Dapat Gawin Criselda, anuman ang iniisip mo o anuman ang iyong pinag-aalinlanganan, hindi na ito dapat na manaig pa sa iyong puso at kalooban dahil ayon sa iyong mga datos, kahit dalawa o tatlong taon ka pang maghintay, tinitiyak ng iyong kapalaran na ang kasalukuyang boyfriend mo na ang iyong makatutuluyan sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari sa 2022, sa edad mong 31 pataas.




Comments