Basehan na hindi maaaring i-cancel ang insurance
Dear Chief Acosta, Kumuha ng life insurance ang asawa ko noong huling semestre ng nakaraang taon. Ngayon, sa kasamaang-palad, siya ay nasangkot sa pagtatalo na nauwi sa pagkakasaksak at ito ang kanyang ikinamatay. Nais naming makuha ang benepisyo mula sa insurance company. Subalit, ayaw ibigay ng naturang insurance company ang aming hiling dahil meron daw “misrepresentation” ang asawa ko sa kanyang kalagayan. Maaari ba talaga nilang i-deny ang aming benepisyo sa nasabing kadahilanan? - Cynthia
Dear Cynthia, Sinabi ng Korte Suprema sa kasong Sun Life of Canada vs. Sibya (G.R. No. 211212, June 8, 2016), isinulat ni Honorable former Associate Justice Bienvenido L. Reyes, na kapag ang insurance contract diumano ay hindi na-rescind o naipawalambisa ng insurer sa kadahilanan ng “concealment” o “misrepresentation” sa loob ng dalawang taon mula nang maisyu ang insurance contract at ang insured ay namatay sa loob ng nabanggit na panahon, hindi na diumano maaaring i-cancel ang naturang insurance, viz: “Section 48 serves a noble purpose, as it regulates the actions of both the insurer and the insured. Under the provision, an insurer is given two years - from the effectivity of a life insurance contract and while the insured is alive - to discover or prove that the policy is void ab initio or is rescindible by reason of the fraudulent concealment or misrepresentation of the insured or his agent. After the two-year period lapses, or when the insured dies within the period, the insurer must make good on the policy, even though the policy was obtained by fraud, concealment, or misrepresentation. This is not to say that insurance fraud must be rewarded, but that insurers who recklessly and indiscriminately solicit and obtain business must be penalized, for such recklessness and lack of discrimination ultimately work to the detriment of bona fide takers of insurance and the public in general.” (Binigyang-diin at sinalungguhitan)
Ayon sa nabanggit na kaso, obligasyon ng insurance company na agad matukoy kung mayroong “concealment” o “misrepresentation” mula sa insured. Kung sakaling hindi agad nalaman ng insurer tulad ng nangyari sa inyong asawa sa loob ng dalawang taong contestability period at namatay sa loob ng panahong ito ang insured, hindi na maaari pang i-question o kanselahin ng insurer ang insurance base sa nabanggit na mga kadahilanan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments