Mga gamot na may side effects, dahilan ng pagkakaroon ng pasa
- Shane Ludovice
- Mar 5, 2020
- 2 min read

Dear Doc. Shane, Madalas akong magkaroon ng pasa sa mga braso pero hindi naman mataas ang presyon ko. Ano ba ang mga posibleng dahilan nito? - Vilma
Sagot Ang pagkakaroon ng pasa ay kadalasang dahil sa pagtama ng bahagi ng katawan sa matigas na bagay na may puwersa. Dahil sa lakas ng puwersa ng pagtama, ang maliliit na ugat ng dugo sa ilalim ng balat ay maaaring pumutok at ang dugo na dumadaloy ay kakalat sa ilalim ng balat. Ang umagos na dugo sa ilalim ng balat ang nagiging pasa.
Ngunit, sa ibang mga pagkakataon, may mga pasa na bigla at misteryosong lumilitaw sa balat nang hindi natin nalalaman. Ito ay kahit walang malakas at matigas na puwersa na tumatama sa bahagi ng katawan.
Sa mga pagkakataong ito, makabubuting agad na magpatingin sa doktor sapagkat ang mga ganitong uri ng pasa ay maaaring dahil sa mga seryosong kondisyong pangkalusugan tulad ng mga sumusunod:
• Senile purpura. Ito ay kondisyon na kalimitang nararanasan ng mga matatanda kung saan madali silang nagkakapasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ito ay dahil sa pagkakarupok ng mga pader ng mga ugat ng dugo kasabay ng pagtanda ng katawan na nagreresulta ng madaling pagputok ng mga maninipis na ugat at pagkakaroon ng mga pasa.
• Epekto ng iniinom na gamot. Bukod sa mga pangkaraniwang gamot na aspirin at paracetamol, marami pang uri ng gamot na over-the-counter ang maaaring may side-effects. At isa sa karaniwang side-effects ay ang biglaang pagkakaroon ng pasa. Ang mga gamot na malimit makapagdulot ng pasa ay ang anti-inflammatory drugs, ilang antibiotics at iba pang gamot para sa sakit sa puso.
• Karamdaman sa dugo. Ito rin ay maaaring indikasyon sa pagkakaroon ng karamdaman sa dugo. Maaaring dahil ito sa simpleng kakulangan ng platelet sa dugo o maaari rin namang dahil sa malalang sakit na leukemia o kanser sa dugo.
• Kakulangan ng Vitamin K. Ang Vitamin K ay bitamina na kinakailangan ng katawan para makontrol ang pamumuo ng dugo. Isang senyales ng kakulangan sa mahalagang bitaminang ito ay ang madalas o madaling pagkakaroon ng pasa saanmang parte ng katawan.
Gayunman, makabubuti pa rin kung magpapakonsulta agad sa doktor tungkol sa iyong kondisyon nang sa gayun ay matukoy ang tunay na dahilan nito.
Comments