Lady Tamaraws, wagi sa Red Warriors sa UAAP Volleyball

Sinimulan ng Far Eastern University ang kanilang kampanya sa UAAP Season 82 Volleyball Tournament kahapon sa pamamagitan ng paggapi sa University of the East sa loob ng straight sets, 25-9, 25-20, 25-17, kahapon sa Mall of Asia Arena. Nagtala ng 11 at 10 puntos sina Jeanette Villarreal at Ivana Agudo ayon sa pagkakasunod upang pamunuan ang nasabing buwena-manong panalo ng Lady Tamaraws.Nag-iisa namang tumapos na may double digit para sa Lady Warriors si Mheanne Mendrez na umiskor ng 13 puntos.
Samantala, pinatunayan Jose “JJ” Javelona na karapat-dapat siya sa pagkakataong ibinigay sa kanya upang maging miyembro ng kanilang men’s squad matapos niyang pamunuan ang Tamaraws sa kanilang opening day win kontra Red Warriors, 25-10, 25-22, 25-23. Naiiwan ng dalawang puntos, 21-23 sa third set, itinala ni Javelona ang huling apat na puntos ng laro upang ganap na kumpletuhin ang kanilang straight sets win.Tumapos ang UAAP Season 81 High School Boys MVP na may 11 puntos na kinabibilangan ng 10 attack points at isang block para pangunahan ang nasabing panalo ng Tamaraws.
Makaraang maniguro sa unang dalawang sets, akmang sisingit pa ang Red Warriors sa third frame na nakontrol nila mula umpisa hanggang makalamang ng dalawa 23-21. Ngunit tila napako na roon ang Red Warriors habang buo naman ang kumpiyansang tinapos ni Javelona ang laro. Samantala, mag-uumpisa na ng kani-kanilang kampanya ang reigning women’s titlist Ateneo de Manila at ang last season losing finalist University of Santo Tomas ngayong hapon sa MOA Arena.
Unang sasabak ang Tigresses na haharapin ang National University Lady Bulldogs sa ikalawang laban ganap na alas-11:00 ng umaga kasunod ng unang bakbakan sa pagitan ng UST Tigers at ng defending men’s champion Bulldogs ganap na ika-9:00 ng umaga. Sasagupain ng Lady Eagles sa tampok na laro ganap na alas- 4:00 ng hapon ang University of the Philippines Lady Maroons pagkatapos ng ikatlong laban sa pagitan ng Blue Eagles at ng Fighting Maroons ganap na alas- 2:00 ng hapon. Sasandalan ni coach Oliver Almadro para mamuno sa pagsisimula ng title retention bid ng Lady Eagles sina Kat Tolentino, ang nagbabalik na si Jhoana Maraguinot at dating high school standout Faith Nisperos katuwang si Jamie Lavitoria na siyang magsisilbi nilang setter kapalit ng injured nilang playmaker na si Deanna Wong.
Hindi naman magpapahuli ang UP na magsisikap makatuntong ng kampeonato sa pamumuno nina Tots Carlos, Isa Molde, Jesma Ramos at Justin Dorog makaraang mabigo silang umabot ng Final Four noong nakaraang taon kung saan tumapos silang panglima hawak ang 6-8, panalo-talong marka.
Mauuna rito, inaasahan din ang dikdikang salpukan sa pagitan ng Tigresses at Lady Bulldogs na hangad na makabawi mula sa kanilang 6th place finish noong nakaraang Season 81. Determinado ang UST na makapag-back-to-back appearance sa finals sa pangunguna ni last season top rookie Eya Laure, Imee Hernandez at Janna Torres kasama ang nagbabalik na si EJ Laure kahit wala na ang kanilang dating lider na si Sisi Rondina. Sa kabilang dako, sasandigan ng NU ang balik aksiyon ding si Risa Sato at ang kanilang Congolese player na si Margot Kabasu.





Comments