16-anyos, 2 pa tiklo sa P142-K shabu

Tatlong mangingisda kabilang ang isang binatilyo ang arestado matapos makumpiskahan ng shabu sa buy-bust operation sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas ang mga suspek na sina Jhay Ar Miranda, 26; Edward Dizon, 26, at ang 16-anyos na binatilyo.
Alas-8:15 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PLt. Charlie Bontigao kontra sa mga suspek sa M. Domingo St., Bgy. Tangos North.
Nagawang makabili ng isang sachet ng shabu kay Miranda ng pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P500 marked money.
Nang magkaabutan ng bayad at droga, dito na sinunggaban ang suspek, kasama si Dizon at ang binatilyo na sinasabing umiiskor ng droga kay Miranda. Nakuha sa mga suspek ang 11 sachets na naglalaman ng humigi’t-kumulang sa 21 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P142,800 ang halaga at buy-bust money.





Comments