Sobrang pawisin at may oily skin, sanhi ng an-an
- Shane Ludovice
- Mar 3, 2020
- 2 min read

Dear Doc. Shane, Maaari ba ninyong i-discuss ang tungkol sa an-an? Saan ba ito nakukuha at ano ang maaaring gawin upang mawala ito? Mula nang lumipat ako ng apartment ay nagkaroon ako nito at hindi ito magandang tingnan sa aking balat. - Poleng
Sagot Ang an-an o tinea versicolor ay sakit sa balat na sanhi ng fungal infection. Ito ay kadalasang nangyayari kapag ang isang uri ng fungus na natural na umiiral sa balat ng tao ay biglang dumami. Ang fungus na ito ang sumisira sa ibabaw ng balat na nag-iiwan ng mga puting patse.
Ano ang sanhi ng an-an? • oily skin
• naninirahan sa lugar na mainit ang klima
• sobrang pawisin
• mahina ang immune system
Ang organismong sanhi ng an-an ay pangkaraniwan sa balat ng tao at hindi tulad ng iniisip ng karamihan, ang an-an ay hindi nakahahawa. Ang sakit na ito ay puwedeng makaapekto sa lahat ng uri at kulay ng balat, ngunit mas karaniwan sa kabataan o young adult.
Ano ang sintomas ng an-an? • Patse sa balat na kulay puti, rosas, pula o kayumanggi at maaaring maging
mapusyaw o mas matingkad kaysa sa balat na nakapaligid dito.
• Spots na hindi kasingkulay ng ibang balat. Ang patse o spots na ito ay maaaring dumami sa alinmang bahagi ng katawan, ngunit ito ay mas nakikita sa leeg, dibdib, likod at mga braso.
Ang mga patse sa balat ay maaaring mawala kung malamig ang panahon, ngunit ito ay bumabalik at lumalala kapag muling bumalik sa napakainit na panahon. Ito ay maaaring maging tuyo, makati at mahapdi, depende sa sitwasyon.
Ano ang dapat gawin para maiwasan ang an-an? • Ugaliing maligo ng isang beses o higit pa, araw-araw. Ang paggamit ng sabon na may sulfur ay nakatutulong para mapatay ang mikrobyong sanhi ng mga kati-kati sa balat.
• Hangga’t maaari ay iwasan ang pagbibilad sa araw. • Iwasan ang paghiram o pagpapahiram ng mga gamit tulad ng damit o make-up at iba pang personal na gamit.
Ano ang gamot sa an-an? Mayroong iba’t ibang gamot para rito tulad ng cream, lotion o shampoo na maaaring ilagay sa apektadong bahagi ng katawan. Sa mga malalang kaso na hindi na kaya ng papahid-pahid, maaaring magpakonsulta sa dermatologist para maresetahan ng iniinom na gamot o injection.
Ang salicylic acid ay isa sa mga pinakamura at mabisang paraan ng paggamot sa an-an. Pagkatapos maligo, patuyuin ang buong katawan, lalo na ang bahaging may an-an. Kumuha ng bulak, basain ito ng salicylic acid at ipahid sa apektadong mga bahagi.
Tandaan: Ang salicylic acid ay nakasusunog ng balat kaya dapat mag-ingat sa paglalagay nito. Ito ay maaaring ulitin pagkaraan ng dalawa o tatlong araw hanggang sa maalis ang kakaibang mga patse sa balat.
Comments