Motor vs. kotse, rider patay

Photo: Red DE Guia
Nasawi ang 28-anyos na motorcycle rider nang makasalpukan niya ang isang kotse sa Imus City, Cavite kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Daniel Gache, binata, habang hawak na ng pulisya ang driver ng kotse na si Daniel Benjamin Samia, 33, seafarer.
Sa ulat ni PSSgt. Marjorie Pabiton, ala-1:30 kahapon ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa Palanas St., Bgy. Anabu 1-A, Imus City, Cavite kung saan minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Palanas Road patungo sa direksiyon ng Buhay na Tubig at pagsapit sa nasabing lugar nang makasalpukan nito ang minamanehong sasakyan ng suspek na binabagtas ang kabilang direksiyon ng kalsada patungong Aguinaldo Highway.
Tumilapon ang biktima nang 20 metro at tumama ang katawan sa semento na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Sa kabila ng pangyayari, patuloy ang pagtakbo ng sasakyan ng suspek hanggang sa bumangga ito sa concrete wall, isang e-bike tricycle at harapang bahagi ng isang bahay.





Comments