Mga kriminal, buhay na buhay na naman, mga pulis nganga lang
- Ka Ambo
- Mar 3, 2020
- 2 min read
KAPANSIN-PANSIN ang pagdami ng street crimes sa Metro Manila. Nabibiktima ang mga pobreng turista! **** PARTIKULAR na pinuputakti ng isnatser at holdaper ang tourist belt bandang Gil Puyat Avenue, Vito Cruz Street hanggang sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Pasay City. Inutil ang mga pulis para mapigil! **** NAGDUDUDA ang marami kung saan naniniwala ang ilan na nagbalik ang dating modus o sideline ng mga pulis na nag-aalaga ng mga kawatan. Kailangang maka-quota ang mga kawatan upang may maibigay na intrega sa bossing na mga parak. ‘Yan ang modus sa mahabang panahon pero nalansag ito nang maupo si dating NCRPO Director Gen. Guillermo Eleazar. Pero, ngayon ay nagbalik sa gitna ng kalye ang masasamang-loob! **** NANG mawala si Gen. Eleazar sa NCRPO, kapansin-pansin ang pagdami ng krimen — kasama na ang ambush, patayan at iba pang ilegalidad. Hindi rin totoong wala nang illegal gambling dahil ang bookies ng karera ay naglipana pa rin sa Metro Manila! **** NAGHAHARI pa rin ang Bookies King na hindi magalaw ng nagyayabang na bagong hepe ng PNP na si Gen. Archie Francisco Gamboa. Naglilibot pa rin ang kolektor ng tongpats sa mga gambling dens! **** WALANG malinaw na aksiyon ang pulisya sa pagdami ng krimen sa Metro Manila. Isang malaking paghamon sa bagong NCRPO chief na linisin sa kriminalidad ang Metro Manila! **** BUMALIK sa katamaran ang mga parak. Natatakot nang lumabas ng bahay ang mamamayan dahil sa mga naglipanang kriminal! **** WALANG maayos na accomplishment ngayon ang pulisya. Bakit hinayaan ng Malacañang na masira ang reputasyon ng Kamaynilaan sa kamay ng mga kriminal? **** SA gitna ng matinding pagdarahop, tiyak na marami ang kakapit sa patalim. At hindi natatakot ang mga masasamang-loob na gumawa ng hindi kanais-nais dahil sa palpak na mga parak! **** TULUYAN nang nalugmok ang pulisya. Kailan kaya ito muling babangon at makapagseserbisyo nang maayos sa taumbayan?





Comments