Biglaang rigodon sa Kamara
- V. Reyes
- Mar 3, 2020
- 1 min read

Binalasa ang pamunuan ng ilang komite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gitna ng ugong ng planong kudeta kay Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa pagsisimula ng sesyon kahapon, agad hiniling ni Senior Deputy Majority Leader Rep. Jesus Crispin Remulla ang pag-alis kay Davao City Rep. Isidro Ungab bilang chairman ng House Committee on Appropriations para palitan ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap.
Ang Appropriations Committee ang humihimay sa taunang pondo ng gobyerno. Si Abra Lone District Rep. Joseph Bernos naman ang iniupo bilang chairman ng Committee on Games and Amusement na kapalit ni Yap.
Tinanggal naman si Oriental Mindoro Rep. Salvador Leachon bilang miyembro ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) at ipinalit sa kanya si Kabayan Partylist Rep. Ron Salo.
Ang paggalaw ng mga posisyon ay sa harap ng bangayan ng mga kongresista tungkol sa umano’y kudeta kay Cayetano.
Samantala, tanggap na ni Ungab ang desisyon ng Kapulungan na alisin siya sa komite na aniya ay sapat na ang kanyang ginawa para pagsilbihan ang bansa at ang mamamayan.
Sinabi naman ni Rep. Leachon na kahit kunin mula sa kanila ang mga posisyon ay hindi sila patitinag o yuyuko sa mapagpanggap na liderato.
Muling iginigiit ni Leachon na gawa-gawa lang ang senaryo ng kudeta kay Cayetano upang magkaroon ng dahilan na hindi matuloy ang term-sharing sa House Speakership.





Comments