top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Backpack Gang, mga estudyante ang target na dukutan

Jun R. Guillermo
Mar 3, 2020
2 min read

Mga ka-BULGAR, halos isang buwan na lang ay summer break na o bakasyon na naman ng mga estudyante kaya ating binibigyang-babala ang mga mag-aaral lalo na ‘yung mga gumagamit ng backpack sapagkat ito ngayon ang tina-target ng Backpack Gang kung saan mga out-of-school youth (hindi lahat) na babae ang mga miyembro nito.

Dahil sa reklamo ng isang estudyante ng isang prestihiyosong kolehiyo na malapit sa Manila City Hall, agad nagtalaga ng crack team si ret. Lt. Col. Arsenio Riparip, hepe ng City Security Force (CSF) ng Manila City Hall. Pinangunahan nina SG1 James Mendez at SG1 Ric Charles ang operation para manmanan ang galaw ng Backpack Gang.

Nasakote ang isang 14-anyos na babae na itago natin sa pangalang “Ineng” na agad dinala sa opisina ni Col. Riparip at positibo siyang itinuro ng biktima.

Bagama’t, hinihinalang hindi nag-iisa ang suspek sa modus nito, hindi pa nahahanap ng pulisya ang mga kasamahan nito.

Ang style ng Backpack Gang, babanggain ng isang miyembro ang kanilang target na may sukbit na backpack sa likod. Kapag na-distract ang biktima, saka dudukutan ng ibang miyembro ang dala nitong bag at kukunin ang mahahalagang gamit tulad ng pitaka, cellphone at iba pang gadgets.

Ang pobreng biktima, huli nang malalaman na nadukutan na pala siya.

Kaya, mga suki, maging alerto, mapagmasid at makiramdam sakaling magawi kayo sa matataong lugar tulad sa mga underpass dahil ang mga kawatan ay sumasalakay kapag alam nilang kampante sa paglalakad ang biktima, partikular na kung kayo ay estudyante.

Mas mabuti na ring ilagay sa harapan ang backpack nang masigurong hindi madudukutan.

Ikaw kaibigan, ano’ng sey mo?

Palaging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!

Ligtas ang may alam.

Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page