Umaawat sa riot, dinamay.. 15-anyos, patay sa pulis
- Janice Baricuatro
- Mar 2, 2020
- 1 min read

Nauwi sa madugong barilan ang riot ng dalawang grupo ng mga kabataan kung saan tinabla ng mga ito ang isang pulis na residente rito na tumangkang umawat sa nagaganap na gulo na naging dahilan upang mabaril nito at mapatay ang isa sa mga suspek, kamakalawa ng hapon sa Bgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ang napatay na binatilyo na si Darwin Ruaya Pintang, 15, out-of-school youth, residente ng Bgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite, habang isa ang naaresto na nakilalang si ‘Lloyd’, 14, out-of-school youth.
Sa imbestigasyon ni PMSg. Rolando Paulo Figueroa, alas-5:00 ng hapon nang maganap ang insidente kung saan kasalukuyang nasa basketball court si Elmer Rojas Belaro, 37, nakatalaga sa Regional Intelligence Division, Camp Vicente Lim, Calamba City, Laguna nang may maganap na riot sa dalawang grupo ng kabataan.
Bilang pulis, tinangka nitong umawat sa nagaganap na riot subalit, tinabla ito ng mga suspek at idinamay ito sa barilan at batuhan ng dalawang grupo.
Dahil dito, napilitang gumanti ng putok si Belaro at napatay si Pintang habang isa ang naaresto.
Nakuha sa suspek ang isang improvised na sumpak.





Comments