Nagpaalam na may praktis, tumakas.. 5 hayskul nag-swimming, patay
- V. Reyes
- Mar 2, 2020
- 1 min read

Hindi na nakaahon nang buhay ang limang estudyante sa Grade 8, matapos maligo sa ilog sa Bgy. Joaquin dela Cruz, Camalaniugan, Cagayan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jenny Mercado ng Bgy. Bukig Aparri; Florbeth Ruatos ng Bgy. Pakak, Aparri; May Tubol at Irene Tubol, kapwa residente ng Bgy. Mabanguc Aparri at Bernadette Paet na residente sa lugar na pinangyarihan ng trahedya.
Ang mga biktima ay pawang mag-aaral ng Bukig National Agricultural and Technical School (BNATS) sa bayan ng Aparri, Cagayan.
Sa paunang impormasyon, nagpaalam sa kani-kanilang pamilya ang walong magkakaklase na mayroon silang praktis ng sayaw ngunit, nagtungo sa ilog upang mag-picnic at maligo.
Ang lima sa mga mag-aaral ay nagkayayaan na maligo, susunod sana ang isa pang estudyante sa paglusong ngunit, noong napansin na nito na nalulunod ang limang kaklase ay agad na umahon at humingi ng saklolo.
Sinasabing naghawakan ng kamay ang mga mag-aaral upang iligtas ang isa nilang kasama na nalulunod ngunit, maging sila ay nadamay.
Bagama’t, naisugod sa ospital ang mga biktima, hindi na rin sila umabot nang buhay.





Comments