Mga naninira raw sa negosyo, inisa-isa.. Sundalo nag-amok, 5 patay
- Janice Baricuatro
- Mar 2, 2020
- 2 min read

Nasawi ang lima katao kabilang ang suspek na nagbaril sa sarili habang sugatan ang dalawang rumespondeng pulis matapos nitong pagbabarilin ang mga biktima sa Bgy. Santiago, Gen. Trias City, Cavite, kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot si Murharma Bautista, 59, babae, habang isinugod sa Gen. Trias Hospital at Gen. Trias Medical Center subalit sunud-sunod ding binawian ng buhay habang ginagamot sina Alberto Sorio, 57, isang retiradong miyembro ng Philippine Army (PA); Recto Marbit, 47, tricycle driver at Pilar Bacaoco, 34, pawang mga residente sa lugar, sanhi ng tama ng bala sa kanilang katawan.
Kinilala ni PLt. Col Marlo Solero, ang mga nasugatan na sina PCMS Zaldy M. Espiritu, COMPAC Cmdr. San Francisco PCP, GTCPS na nagtamo ng tama ng bala sa kanang kamay at PSMS Reynante D. Tan, patrol personnel ng San Francisco COMPAC GTCPS na nagtamo ng tama ng bala sa kanang kamay at tiyan.
Dead-on-the-spot naman ang suspek na si Junny Palacio, may asawa, dating miyembro ng Philippine Army at residente rin ng nasabing lugar.
Sa ulat ni PSSgt. Armine Matro, alas-8:45 kahapon ng umaga, armado ng kalibre .38 na baril ang suspek at hinanap nito ang anim na indibidwal na umano’y naninira sa kanyang pagkatao bilang isang contractor.
Una niyang nakita sina Bautista at Sorio habang nag-uusap sa isang palengke sa lugar at matapos kausapin ay walang sabi-sabing binaril ang mga ito.
Naabutan naman niya si Marbit sa pilahan ng mga tricycle habang naghihintay ng pasahero saka nito binaril habang pinuntahan niya sa kanilang bahay si Bacaoco at doon niya binaril.
Dahil sa pangyayari, mabilis namang rumesponde ang mga miyembro ng Gen. Trias CPS sakay ng patrol car kung saan naabutan ang suspek subalit, agad niyang pinaputukan ang mga pulis na ikinasugat nina Espiritu at Tan.
Tinangkang tumakas ng suspek at nang makorner ay sinabihang sumuko subalit, itinutok ang baril sa kanyang sentido at nagpakamatay.
Inaalam pa kung sino ang dalawa pang indibidwal na pinaghahanap ng suspek habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.





Comments