COVID-19, highest level na — WHO.. Palasyo: Klase, tuloy

Walang plano ang Malacañang na suspendihin ang klase sa buong bansa sa kabila ng banta ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo makaraang itaas na ng World Health Organization (WHO) sa highest level ang sitwasyon sa COVID-19.
Ayon kay Panelo, wala umanong nakikitang dahilan ang pamahalaan para ipatigil ang klase. Depende rin aniya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging desisyon at ang magiging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF).
“Depende lahat ‘yan. ‘Pag nakikita ni presidenteng nanganganib at may rekomendasyon ang Inter-Agency, gagawin din ‘yun. Sa ngayon wala,” ani Panelo.
“Kung ano ang findings nila, gumagalaw sila kung anuman ang karapat-dapat at ready naman tayo doon kasi ang mga protocol natin, well-placed,” giit ng opisyal.
Ikinatwiran pa ng kalihim na hanga ang WHO sa pagtugon ng Pilipinas sa COVID-19.
Una nang inianunsiyo ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang deklarasyon na walang pasok sa lahat ng elementary, junior high at high schools sa Japan hanggang sa buwan ng Abril upang maiwasan ang pagkalat ng virus.





Comments