Lalo sa social media.. May utang, bawal takutin o ipahiya
- Lourdes Abenales
- Mar 1, 2020
- 1 min read

Inihihirit sa Kongreso na ipagbawal ang pananakot o pagpapahiya sa paniningil ng utang.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1336 o “Fair Debt Collection Practices Act,” ni Senator Sherwin Gatchalian, ipagbabawal ang paggamit ng hindi makatarungan, mapanlinlang at abusadong pangongolekta at paniningil ng utang.
Aniya, kaugnay ito ng mga reklamo ng pamamahiya o pananakot sa mga hindi pa makabayad, lalo na sa social media.
“Sinisiguro din ng naturang panukalang-batas na maprotektahan naman ang mga debt collector na hindi nang-aabuso,” paglilinaw naman ng mambabatas.
Sa ilalim ng panukala, bawal ang sinumang debt collector na mang-harass o mang-api ng mga may utang.
Bawal din ang paggamit ng mapanlinlang na representasyon o pamamaraan ng pangongolekta ng utang.
Layunin din umano ng panukala na masiguro na hindi maisisiwalat sa publiko ang impormasyon ng mga may utang nang walang pahintulot.
Samantala, aabot sa P30,000 ang maaaring maximum na multa sa mga lalabag.





Comments