Aray ko!.. May utang, bawal ipahiya at puwersahin, naniningil makakasuhan

Kapag hindi nakapagbayad ng utang, i-post mo sa social media.
Ganito ang ginagawa ngayon ng ilang nagpapautang kapag hindi sila nabayaran. Ang siste, napapahiya ang nangutang at natatarantang maghanap ng pera para makapagbayad.
Kaugnay nito, isinusulong ngayon ang pagbabawal sa mga abusadong paraan ng paniningil ng utang.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1336 o Fair Debt Collection Practices Act, nais ipagbawal ang paggamit ng hindi makatarungan, mapanlinlang at abusadong pangongolekta at
paniningil ng utang.
Ito ay matapos ang mga reklamo tungkol sa pamamahiya o pananakot sa mga hindi makabayad, lalo na sa social media.
Layunin ng panukala na mawala ang mga abusado at hindi makatarungang paniningil ng utang laban sa mga kababayan nating nangangailangan.
Gayundin, sinumang debt collector ay bawal mang-harass o mang-api.
Sisiguruhin din ng panukala na mapoprotektahan ang mga debt collector na hindi nang-aabuso at sinasabing aabot sa P30, 000 ang maximum na multa sa mga lalabag.
Bagama’t, isinusulong pa lang, inulan na agad ng batikos ang panukala.
Hirit ng ilan, paano naman ang mga napeperhuwisyo ng mga nangungutang? Sa panahon ngayon, kung sino ang nangutang, sila pa ang magdedesisyon kung kailan nila gustong magbayad at kung hindi pa sisingilin, hindi pa magbabayad.
At kung lulusot ang panukalang ito, baka maabuso pa at ang ending, lalong darami ang mga abusadong nangungutang at ‘yung nagpautang pa ang masama.
Mukhang marami pang pag-aaral ang kailangan ng panukalang ito, pero sa ngayon, may paalala muna tayo sa publiko.
Totoong may mga pagkakataong wala tayong choice kundi mangutang, pero sana ay maging responsable tayo sa pagbabayad at ‘wag nang hintaying singilin pa kung kaya n’yo namang magbayad.
At hangga’t maaari ay ‘wag na itong gawin dahil ‘ika nga, sakit lang sa ulo ang pangungutang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments