17-anyos nabuntis.. Tatay at utol, kulong

Arestado ang isang mag-ama matapos mabisto ang panghahalay umano nila sa 17-anyos na dalagitang anak at kapatid na may kakulangan sa pag-iisip makaraang matuklasang buntis ang biktima sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Hindi na babanggitin ang pagkakilanlan ng mga suspek na edad 53 at 23, ama at kapatid ng biktimang itinago sa pangalang ‘Vicky’, na itinurong kapwa nagsamantala sa kanya sa loob mismo ng kanilang tirahan sa Bgy. Longos. Nabisto ang halinhinang panghahalay ng mag-ama sa biktima matapos ipasuri ng kanyang mga kaanak ang dalagita sa doktor dahil sa madalas na pagkahilo at pagsusuka.
Nang lumabas ang resulta ng pagsusuri, agad sinamahan ang biktima ng kanyang mga kaanak sa Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) alas-3:00 kamakalawa ng hapon upang maghain ng reklamo laban sa kanyang ama at kapatid.
Agad namang kumilos ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao at dinakip ang mag-ama kung saan mariing itinanggi ng ama ang akusasyon habang hindi naman inamin o ikinaila ng binata ang panghahalay.
Sa panayam kay Insp. Roland Domingo, may lahi na umano ng kakulangan sa pag-iisip ang biktima, pati na ang ilan niyang kapatid na posibleng minana sa kanilang ina.





Comments