Produktong Pinoy, palakasin sa buong mundo sa gitna ng COVID-19
- Sonny Angara
- Feb 29, 2020
- 2 min read

Hinihimok natin ang pamahalaan na bumuo ng mga solidong hakbang upang matiyak na hindi maaapektuhan ng patuloy na paglala ng COVID-19 sa iba’t ibang panig ng daigdig ang ekonomiya ng Pilipinas.
Liban sa nasabing malubhang karamdaman, tiyak ding malaki ang hagupit sa ekonomiya ng pagsasara ng malalaking kumpanya sa bansa tulad ng Honda, Wells Fargo at iba pa.
Panawagan ito ng inyong lingkod sa pagsisimula ng pagdinig ng ating komite, ang Senate Committee on Finance sa paglikha ng roadmap na maghahatid sa mga produktong lokal o ang tinatawag na “Tatak-Pinoy” sa pandaigdigang merkado.
Hanggang ngayon, alam nating wala pa ring bakuna at gamot kontra COVID-19, pero sana naman ay makagawa tayo ng paraan upang maalagaan natin ang kalusugan ng ating ekonomiya. Naniniwala tayo na handa ang gobyerno sa bagay na ito.
Dahil sa coronavirus, maaaring malagay sa alanganin ang ilang mahahalagang sektor na bumubuhay sa ekonomiya tulad ng turismo na maaari namang maiwasan kung may mga kaukulang hakbang ang pamahalaan upang mapangalagaan ang mga ito.
Mababatid na bago pa man sumambulat sa buong mundo ang COVID-19 na nagmula sa Wuhan, China, masigasig na ang ating komite sa pagsusulong ng mga workshop na tutulong sa ekonomiya ng bansa na maging producer imbes na manatiling konsumer na lamang.
Bilang karagdagan sa malalaking agenda ng programa tulad ng pagpaparami sa mga malilikhang trabaho sa Pilipinas, kailangan ding maprotektahan sa mga susunod na araw, linggo at buwan ang takbo ng mga trabaho sa bansa dahil sa banta ng COVID-19.
Bagama’t, walang sapat na kakayahan ang gobyerno na kontrolin ang mga posibleng mangyari sa mga karatig-bansa at sa buong mundo, maaari namang mapanatiling malusog ang kalakalan sa Pilipinas kung may mga solidong plano na gagabay dito.
Binigyang-diin natin na magsasagawa ng imbentaryo ang Senate Finance Committee sa iba’t ibang programa ng gobyerno upang masigurong nagagamit nang maayos ang P4.1 trilyong National Budget para sa mga proyektong may kinalaman sa paglikha ng trabaho.
May mga produkto tayong “Tatak-Pinoy” na kilala na ngayon tulad ng designer furniture ni Kenneth Cobonpue at maging ng Puentespina Family na kilala dahil sa kanilang Malagos Chocolate mula sa Davao.
Tatak-Pinoy din ang Jollibee, Oishi at Bench na ngayon ay patuloy na gumagawa ng pangalan sa buong mundo.
Maliban sa mga produktong ito, malaki rin ang kontribusyon ng mga Pinoy sa knowledge economy.
Isa rito ang Ubisoft na developer ng videogame na Assassin’s Creed na may studio sa Laguna at ang SG Interactive na matatagpuan sa Makati. Ito ang nakatoka sa audiovisual presentations ng Fortune 500 companies.
Malaki ang paniniwala ng inyong lingkod na narito sa bansa ang malalalim na talent, gayundin, ang mga kinakailangang talino sa paglikha ng mga de-kalidad na produkto na hindi lamang dito sa atin makikilala kundi maging sa buong mundo.





Comments