Panalangin, hindi sapat sa paggunita sa Kuwaresma
- Fr. Robert P. Reyes
- Feb 29, 2020
- 3 min read
“Tandaan mo, sa abo ka nagmula, sa abo ka magtatapos,” o “Magsisi ka at maniwala sa ebanghelyo.” Ito ang maaari mong marinig mula sa pari o ministro habang pinapahiran ka ng abo na basa sa tubig noong Miyerkules ng Abo o Ash Wednesday sa Ingles.
Ash Wednesday ang simula ng Kuwaresma. Sa kabila nito, handa na ba tayong harapin ang 40 araw ng paghahanda para sa paggunita sa pasyon, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoong HesuKristo?
Taimtim at masigasig nating gugunitain ang Misteryo Pascual ng Panginoon o ang Kanyang paghihirap, kamatayan sa krus at muling pagkabuhay.
Aktibong paggunita at pagsasabuhay ng ating pananampalataya na siyang pinakapuso at buod ng ating buhay. Kailangang sabihin at hingin sa bawat isa ang aktibong paggunita sa anumang bagay, hindi lang sa pananampalataya sa ating Panginoong HesuKristo.
Samantala, kamakailan ay ipinagdiwang natin ang ika-34 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Taun-taon, ginugunita natin ang mga nangyari noong EDSA Uno, ngunit ang mga leksiyon na natutunan natin sa araw na ito ay tila hindi na isinasabuhay ng marami sa atin.
Ito ang dahilan kung bakit ipinaaalala sa lahat na hindi sapat na gunitain lamang ang mga nangyari sa buhay ng Panginoon, bagkus, kailangan itong sabayan ng tatlong haligi ng Kuwaresma — ang panalangin, pag-aayuno at pagkakawanggawa.
Nagtagal ng 21 taon sa panunungkulan si dating Pangulong Ferdinand Marcos. At nang malapit nang matapos ang kanyang pangalawa’t huling termino, biglang may nabuong eksenang ipinalaganap tungkol sa banta ng pagsakop ng komunismo sa Pilipinas.
May mga naniniwala sa komunismo kung saan merong nagtatag ng Partido Komunista sa Pilipinas. Ngunit, mahina o tila hindi pa malaking banta sa seguridad at kapayapaan ng bansa. Kinailangang gumawa ng istorya para patunayan ang kumakalat na banta ng komunismo at ito ang madugong
“Plaza Miranda Bombing” noong ika-21 ng Agosto, 1971.
Sa mga nakaabot sa taong ito, paniguradong alam natin ang tunay na istorya. Hindi komunista ang may gawa ng Plaza Miranda Bombing. Inamin ito ng isang malapit kay ex-P-Marcos na siya ang nag-mastermind nito. Bagama’t, wala pang mobile phones o social media noong mga panahong ‘yun, uso na
ang “fake news” at marami rin ang nabibiktima nito.
Alam ng pamahalaan na hindi lahat ng mamamayan ay may kakayahang sumuri at magtuwid sa mga ikinakalat nilang kasinungalingan o propaganda. Sinamantala ito ng pamahalaan upang madaling masupil at makontrol ang media sa pamamagitan ng pagdeklara ng Martial Law.
Mahabang panahon ang pagtitiis ng panunupil sa ilalim ng Batas-Militar.
Nagtagal ito ng 14 taon mula noong 1972 hanggang 1986. Hindi mabilis ang pagbabago at ang paglaya sa pang-aapi sa ilalim ng diktadurya. At naging mitsa ang pag-uwi at pagka-martyr ni Ninoy Aquino noong ika-21 ng Agosto, 1983. Halos tatlong taon pa ang nagdaan sa tuluy-tuloy na pakikibaka ng sandatahan at hindi marahas na mga grupo laban sa pang-aapi. At sa wakas, naganap ang EDSA Uno o ang People Power Revolution sa pamamagitan ng pagsanib-puwersa ng simbahan, oposisyon at militar.
Sa loob ng 21 taon sa ilalim ng gobyernong Marcos, mula 1965 hanggang 1986, unti-unting natuto ang mamamayang magdasal, mag-ayuno o magsakripisyo, makiisa at makiramay sa kapwa Pilipino.
Mahabang panahon ng aktibong paggunita at pagsusuri ng mga kaganapan upang maunawaan ang mga nangyayari at tumugon sa hamon ng panahon. Bunga lang ang mapayapang rebolusyon ng EDSA ng mahabang panahon ng pakikibaka laban sa kasamaan at inhustisya.
Hindi ba, kailangan ding maunawaan ng lahat ang hamon ng aktibong paggunita at pagsasabuhay ngayon? Kung nanlulumo, nananahimik, natatakot at nalilito ang marami, hindi ba, kailangang tulungan ang lahat na simulan ito?





Comments