top of page

Ingat tips sa mga nagmamaneho para iwas-aksidente

  • Jersey Sanchez
  • Feb 29, 2020
  • 2 min read

Matinding trapiko ang isa sa malalang problema ng bansa kung saan bawat isa — empleyado, estudyante o sinumang ordinaryong mananakay ang pinakaapektado.

Maraming dahilan kung bakit nagbubuhul-buhol ang daloy ng mga sasakyan sa kalsada pero ang pangunahing rason nito ay aksidente na ang madalas na responsable ay ‘yung mga pasaway na motorista.

Hindi lamang oras o panahon ang nasasayang dahil madalas ay buhay ang naisasaalang-alang kaya naman, baguhan o matagal nang nagmamaneho, narito ang road safety tips na dapat nating alamin at sundin:

1. SUNDIN ANG SPEED LIMIT. Huwag tayong tumulad sa matitigas ang ulo na kung magmaneho ay parang mga frustrated car racer. Kapag masyadong mabilis ang takbo ng sasakyan, siguradong mahihirapan itong huminto kung kinakailangan.

Palagi nating sundin ang mga itinakdang speed limit sa bawat kalsada, huwag nating gawing ‘last trip’ ang bawat biyahe natin.

2. PALAGING SUOTIN ANG SEAT BELT. Gaanuman tayo kaingat mag-drive, hindi talaga maiiwasan ang aksidente at wala ring makapagsasabi kung kailan ito mangyayari. Kaya naman, mabuti nang nag-iingat. Sagabal man o hassle para sa iba, malaki ang magagawa nito para protektahan tayo kapag may hindi inaasahang mangyari habang tayo ay nasa kalsada.

3. SA MANIBELA ANG KAMAY AT SA KALSADA LANG ANG TINGIN. Ito ang madalas na paalala sa ating mga nagmamaneho. Oks lang mag-multitasking , pero huwag itong gawin habang nagda-drive tayo. Huwag mag-text o iwasan ang anumang distractions at mag-focus lamang tayo sa pagmamaneho.

4. HUWAG ABUSUHIN ANG HAZARD BUTTON. Trip ng mga Pinoy ang paggamit ng hazard button lalo na kapag kailangan nilang huminto sandali dahil may hinihintay na tao o may kailangang bilhin. Oks lang ‘yung mga ganitong pagkakataon, pero sana, huwag itong ugaliing gawin dahil bukod sa mali, sobrang nakakaasar din para sa iba.

5. MANATILI LAMANG SA LINYA. Tila madalas makalimutan ng mga drayber na ang paglilipat-lipat ng linya ay delikado — para sa iyo at sa iba pang nasa paligid mo.

Kung sa palagay natin ay nasa maling linya at desperado na tayong lumiko o mag-exit, make sure na magsi-signal tayo nang sa gayun ay alam ng kapwa natin drayber kung saan tayo papunta at walang mangyayaring abala.

6. HUWAG MASYADONG DIKITAN ANG SASAKYAN SA UNAHAN. Ayon sa Topgear.com.ph, ito ang kadalasang dahilan ng mga aksidente. Mahalaga ang pagsunod sa tamang distansiya, lalo na kapag pababa ang kalsada at pahintu-hinto ang trapiko dahil bawat abante nito ay kailangan niya ng kaunting buwelo.

Ilan lamang ito sa mga dapat tandaan ng mga motorista, partikular sa mga bago pa lamang sa pagmamaneho. Napakarami nang mga pasaway na motorista kaya sana ay huwag na tayong makidagdag pa. Kalakip ng pagdadala ng sasakyan ang malaking responsibilidad hindi lamang sa iyo at sa sasakyan mo kundi maging sa mga tao sa iyong paligid. Palaging mag-ingat, mga ka-BULGAR!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page