Final answer: Vape bawal sa pampublikong lugar
- Ryan B. Sison
- Feb 29, 2020
- 2 min read

Unang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga mahuhuling gagamit ng vape sa pampublikong lugar kahit wala pang EO o batas para rito.
Dahil dito, nagsagawa na ng ilang “anti-vape operations” ang Philippine National Police (PNP), ngunit, hindi ikinukulong ang mga nahuhuli, kaya ang nangyayari, maraming dedma sa kautusan at patuloy na gumagamit ng vape kahit saan.
Dahil dito, pormal nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang ban sa paggawa, pagbebenta at pagpapakalat ng mga hindi rehistradong e-cigarette o vape products.
Sa ilalim ng Executive Order 106, bawal na ring gumamit ng vape sa mga pampublikong lugar, maliban sa mga designated smoking/vaping area (DSVA), pagpilit na gumamit, pagbebenta, pamamahagi at pagbili ng sigarilyo, vape at components sa 21-anyos pababa, pagbebenta o pamamahagi ng vape at components sa mga eskuwelahan, play group at mga lugar na kadalasang pinupuntahan ng mga menor-de-edad, pagsasapubliko ng mga advertising nito sa mga lugar kung saan bawal ibenta at ipamahagi at labas sa point-of-sale retail establishments, hindi paglalagay ng health warnings sa mga vape, paggamit ng juice flavors na maaaring maging “appealing” sa mga wala pang 21-anyos at paggamit ng tetrahydrocannabinol o cannabinoid compounds sa vape juice.
Bukod pa rito, lahat ng e-liquids, solutions o refills ng Electronic Nicotine and Non-Nicotine Delivery Systems (ENDS/ENNDS) o heated tobacco products (HTPs) ay dapat iparehistro sa Food and Drug Administration (FDA). Kailangan ding pumasa sa standards na ipatutupad ng Department of Trade and Industry at FDA ang mga device na may sangkap ng ENDS/ENNDS o HTPs.
Maraming natuwa at pabor sa kautusang ito dahil sa wakas, mababawasan na umano ang mga “naglalakad na tambutso” na buga nang buga ng usok at walang pakialam sa mga nakasasalamuhang tao.
Panawagan naman natin, sana ay maging mahigpit na ipatupad ang kautusang ito dahil kahit maganda ang layunin, kung iisnabin at hahayaan lang na labagin ito, eh, wa’ ‘wenta ang kautusan. Kapag may lumabag, parusahan agad nang madala at para mapatunayan na may pangil ang batas.
Para naman sa mga nagbebenta at gumagamit ng vape, ‘pag sinabing bawal, bawal! Hindi porke nakalulusot kayo nu’ng una, eh, ganu’n ulit ang mangyayari ngayon.
Tandaan, para pa rin ito sa ikabubuti ng nakararami at hindi ipagbabawal kung walang makikinabang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments