61-anyos na yayaman pa rin kung dilaw o pula ang isusuot
Dear Maestro, Sa edad kong 61, may pag-asa pa ba akong suwertehin sa buhay? Ano ang dapat kong gawin para gumanda ang aking kapalaran?
Bata pa lang ako ay mahirap na kami at hanggang ngayong may apo at matanda na ako ay mahirap pa rin kami.
Sana ay mapayuhan n’yo ako upang umunlad at suwertehin ako sa huling yugtong ito ng buhay ko. August 6, 1958 ang birthday ko.
Umaasa, Alfonso ng Talon, Amadeo, Cavite
Dear Alfonso, “Tempus fugit, momento mori” – salitang Latin na nagpapaalala sa bawat isa na mabilis na lumilipas ang panahon, kaya alalahanin mo sa bawat saglit ang iyong pagtanda at kamatayan.
Tunay ngang sa panahon ngayong moderno na ang teknolohiya, mararamdaman mo na lang na mabilis lumipas ang panahon, ngunit kung minsan ay tila mabagal ang nagagawa nating pag-unlad upang lalo pang pagbutihin ang ating buhay patungo sa mas asensado at maligayang karanasan tulad ng nangyayari sa iyo ngayon, Alfonso.
Ito ang malaking problema ng mga pangkaraniwang tao. Umuusad nang mabilis ang panahon at nagkakaedad na siya, at ngayong medyo matanda ka na, ang malungkot na katotohanan ay hindi mo pa rin alam kung paano ka susuwertehin sa buhay, kung paano mo maaabot ang iyong mga pangarap at kung paano ka uunlad.
Kaya napakahalaga na habang bata pa, habang nasa kasibulan pa ang edad ay dapat na nagpapaanalisa na ng kapalaran bilang maging gabay at malaman ang kanyang mga weakness na dapat baguhin at positibong katangian na dapat namang paunlarin nang husto.
Halimbawa, isa kang Leo, dapat ang iyong career ay sikat ka. ‘Yung parang
artista o pulitiko na palaging nasa limelight ang buhay mo. Sa ganitong paraan ka uunlad, magtatagumpay at magiging maligaya.
Isa pang tipikal na pampasuwerte sa Leo ay ang singsing na gold. Dahil siya ay under sa planetang Sun, kaya bukod sa singsing na gold na pinalamutian ng batong sardonyx at bagay din sa iyo ang batong ruby, dapat ding magsuot ka ng dilaw na siyang kulay ng planeta mong Sun.
Kung ang birth date mo namang six (6) ang tatanungin, para ikaw ay suwertehin, bagay at tugma rin sa kapalaran mo ang pula o red.
Isuot mo ang red tuwing sasapit ang mga petsang 6, 15, 24, 3, 12, 21, 30, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa mga araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, habang isuot mo naman ang dilaw tuwing sasapit ang mga petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29.
Tapos, ayusin mo ang pirma mo kung halimbawang pangit ito. Halimbawa ng pangit na pirma ay binaboy o binurara.
Pangit din ang pirma na ibinabalikwas sa direksiyong pakaliwa ang mga stroke o dulong buntot o paa ng mga letra ay ibinalik sa direksiyong pakaliwa.
Kaya ang pinakamagandang lagda ay dapat klaro ang pagkakasulat o madiin, nababasa ang salita, may katamtamang laki ang letra at mabilis na isinulat at dapat ding ang lahat ng strokes ay patungo sa direksiyong pakanan.
Sa ganitong lagda, magsisimula nang ma-realize ng iyong isipan na ikaw sa kasalukuyan ay nasa tamang landas na ng tagumpay upang mas madali mo nang makamit ang magagandang kapalarang noon pa nakalaan sa iyo.
‘Yan muna ang unang ipatupad at gawin mo, Alfonso, at makikita mo, sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, kahit medyo may edad ka na, ayon sa Decadens ng Kapalaran, ngayong taon ding ito ng 2020 hanggang 2021, sa edad mong 61 pataas, susuwertehin at uunlad ka na, gayundin, magtatagumpay at habambuhay na magiging maligaya.




Comments