Leonard, Westbrook at Harden, walang pasma
- MC
- Feb 28, 2020
- 2 min read

Umiskor si Kawhi Leonard ng 24 points at sumunggab ng 14 rebounds nang habulin ng Los Angeles Clippers ang 11 puntos na pagkaiwan sa unang quarter upang talunin ang host Phoenix Suns, 102-92 sa NBA game kahapon.
Nakapagwagi ang Clippers sa kanilang ikalawang straight game kasunod ng tatlong sunod na talo sa bisa ng 18 puntos ni dating Suns forward Marcus Morris. Nanatiling nasa ikatlong puwesto ang Los Angeles sa Western Conference at umibayo sa 6-0 ang lineup kabilang na ang stars na sina Leonard at Paul George na malakas pa rin ang mga laro at walang mga injury.
Ang Suns, na nakapagwagi ng tatlo sa apat na laro ay may 25 points at 17 rebounds mula kina Deandre Ayton, habang may 18 points at 10 assists mula kay Ricky Rubio. Nakagawa si All-Star Devin Booker ng 5-for-19 shooting night at may iniskor na 14 points.
Sa iba pang laro, may pinagsamang 63 puntos sina Russell Westbrook at James Harden, 16 rebounds at 11 assists nang palawigin pa ng host Houston Rockets ang winning streak sa limang laro, 140-112 na panalo kontra Memphis Grizzlies.
Sa iba pang laban, nagwagi ang Charlotte Hornets laban sa New York Knicks, 107-101; nanalo ang Cleveland sa Sixers, 108-94; nanaig ang Orlando sa Atlanta, 130-120; umalagwa ang T’wolves vs. Heat, 129-126 at wagi ang Dallas sa Kings, 109-103.
Samantala, sinuspinde ng kani-kanilang team si Vic Manuel ng Alaska Aces at Jio Jalalon ng Magnolia Hotshots bago pa man ang 2020 PBA Philippine Cup dahil sa paglalaro sa community basketball leagues o ang tinatawag na “ligang labas.”
Kinumpirma ni PBA commissioner Willie Marcial ang balita mula sa PBA Rush na naipaskel sa ABS-CBN news online. “Sinuspinde na sila ng mga mother teams nila,” saad ni Marcial. “Ipinatawag ko na sila at maglalabas kami ng memo.”
Dahil sa pagsuspinde sa dalawa, pinaalalahanan ni Marcial sina Manuel at Jalalon hinggil sa rules ng isang uniform players contract (UPC). “Sinabihan ko na kapag naulit, mas malaki ang fine sa kanila,” aniya.





Comments