Sekyu ng hotel tinutukan ng baril, 2 Chinese kulong

Muling bumagsak sa piitan ang dalawang Chinese nang arestuhin matapos takutin at tutukan ng baril ang security guard ng isang hotel, kamakalawa sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay City Police Chief P/Col. Erickson Dilag, ang dalawang suspek na sina Cheng Long Xu, 22, at Liu Sheng Zhen, 25, pansamantalang naninirahan sa Belmont Hotel sa Newport Blvd. Newport, Pasay City.
Ayon sa security guard na si Carlito Mesias, 37, ng Cavite, nagmadaling pumasok sa loob ng Selah Garden Hotel sa Park Ave., Bgy. 75, at hindi umano ito na-check sa kanilang pagpasok.
Minabuti ng guwardiya na abangan na lamang sa pagbaba at paglabas ang dalawang dayuhan.
Isang oras ang lumipas, bumaba ang dalawa at dito na sinita ng mga security guard sa pangunguna ni Mesias ang dalawang Chinese.
Hindi umano nagustuhan ng dalawa ang ginawang paninita sa kanila ng mga sekyu hanggang sa naglabas ng baril ang suspek na si Sheng Zhen at tinutok at kinalabit sa biktimang si Mesias na masuweteng hindi pumutok hanggang sa magkaroon ng komosyon sa lobby ng hotel.
Humingi ng tulong ang iba pang guwardiya ng hotel sa mga awtoridad na agad namang nakapagresponde ang Libertad Police Community Precinct (PCP) sa pangunguna ni Police Cpl. Christopher Vantales na naging dahilan ng pagkaaresto sa dalawa.
Sa rekord ng pulisya, ang dalawang suspek ay dati nang nakulong dahil sa pagnanakaw pero, nakapaglagak ng piyansa noong Pebrero 12.





Comments