Pagse-save ng maseselang piktyur at video sa cellphone, hindi na safe, pahamak pa

Isa ka ba sa mga mahilig magbenta ng pinaglumaang cellphone o gadget?
Kung noon ay walang maiiwanang files, litrato o videos dahil kadalasang pang-text o pantawag lang ang cellphone, paano na ngayon?
Napakabilis nang magbenta ng cellphone, gayundin, ang mapunta sa ibang tao ang pinakaiingatan nating files na laman nito at magamit laban sa atin.
Kaugnay nito, nagsumbong ang isang babae sa pulisya hinggil sa pangingikil ng pera ng pinagbentahan ng pinaglumaan niyang cellphone dahil nagkaroon ito ng access sa mga pribadong larawan at video nila ng kanyang nobyo.
Ayon sa biktima, ibinenta niya ang cellphone sa halagang halos P7,000 at hinihingan siya ng P20,000 ng nagpakilalang “Mean” kapalit ng hindi pagkalat ng kanyang mga maseselang larawan at video.
Hinala ng biktima, nakuha ng suspek ang mga larawan at video dahil hindi nai-logout sa naibentang cellphone ang social media account ng kanyang boyfriend. Dagdag pa rito, nagbanta ang suspek na ikakalat at ise-send sa kanyang pamilya ang mga larawan at videos, kaya lalo siyang natakot.
Nang alamin sa pinagbentahan ng cellphone kung may kaugnayan ito sa nanghihingi ng pera, rito niya nalaman na nakipag-swap ito ng cellphone.
Umabot na sa mahigit P7,000 ang naipadalang pera ng biktima sa nangingikil sa kanya at sa huling padala, nagbigay ng ibang pangalan ang suspek na “Aileen Racimo” na siyang kukuha ng pera, kaya nahuli sa entrapment operation si Racimo at nahaharap sa patung-patong na kaso.
Magsilbing aral sana ito sa lahat na hindi porke personal na pag-aari ang cellphone ay magiging kampante na tayo na ilagay dito ang lahat ng personal files tulad ng mga pictures at videos.
At kung puwede namang ‘wag nang kumuha ng maseselang litrato o video, ‘wag na itong gawin dahil kung magkakaroon ng access dito ang maling tao, tiyak na kawawa kayo.
Sa mga nagbebenta ng pinaglumaang gadget, mag-ingat kayo at tiyaking walang mga pribadong larawan, video o impormasyon na maaaring magamit laban sa inyo at maging sanhi ng mga problema.
‘Ika nga, sa panahon ngayon, halos lahat ng bagay ay nadaraan sa isang click at kabilang na rito ang mga bagay na makasisira sa atin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments