top of page

Morado, kampeon sa 75th PNCC-NCR Elims

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Feb 26, 2020
  • 2 min read

Tinuldukan ni second seed Jeth Romy Morado ang pangkampeonatong ambisyon ng mga dehadong woodpushers sa pamamagitan ng tatlong magkakasunod na panalo sa homestretch upang makaakyat sa trono ng 75th Philippine National Chess Championships, National Capital Region Elimination leg sa Pasay City.

Pagkatapos na magpabagal ng isang draw kontra kay 12th seed Jayson Danday noong 5th round, iwinasiwas ni Morado, may ELO rating na 2260, sina Jose Rynhard Conde (round 6), ang dating solo lider na si Alexis Emil Maribao (round 7) at si FIDE Master Efren Bagamaspad noong huling yugto para unang makatawid sa meta karga ang kabuuang 7.5 puntos na produksyon.

Kasama rin sa mga nahugutan niya ng panalo sina Jean Lee Nacita (Round 1), Jallen Herzchelle Agra (round 2), Wayne Ruiz (Round 3) at Jan Daryl Batula noong pang-apat na round ng sagupaang umakit ng 150 dispulo ng standard chess.

Matapos namang yumuko sa eventual champion noong penultimate round, ginawang tuntungan ni 12th ranked Maribao ang kanyang panalo kontra kay Christian Marc Daluz sa huling round para maisalba ang runner-up honors dahil sa iskor na 7 puntos at mas mataas na tiebreak output. Nagkasya na lamang si no. 14 Danday, isa ring 7.0 pointer, sa huling upuan ng podium dahil sa mahinang tiebreak showing.

Nanorpresa naman si Conde, pang-125 lang sa pre-tournament seedings, nang makalikom ito ng 6.5 puntos at mahablot niya ang pang-apat na puwesto samantalang napunta kay 9th seed Darry Bernardo ang panglimang posisyon.

Malayo sa winners’ circle ang mga paborito ng paligsahan. Si International Master Ronald Bancod, 3rd seed, ay pang-32, ang pre-tournament favorite na si IM John Marvin Miciano ay napaupo lang sa pang-49 na baytang, habang sa pang 89 at pang-99 na puwesto lang umabot sina 7th seed FM Christopher Castellano at 10th seed FM Adrian Pacis ayon sa pagkakasunud-sunod.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page