10 taong kulong at multa sa nahulihan ng dinamita sa pangingisda
- Persida Acosta
- Feb 26, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Nahulihan ng dinamita ang kapatid ko habang nasa laot. Nangangamba kami na tuluyan siyang makulong. Ipinagbabawal ba ito kahit hindi naman niya ginamit ito sa kanyang pangingisda? - Cassy
Dear Cassy, Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act 10654 o mas kilala sa tawag na An Act to Prevent, Deter and Eliminate Illegal, Unreported and Unregulated Fishing, Amending Republic Act 8550, Otherwise Known As “The Philippine Fisheries Code of 1998, and For Other Purposes.”
Nakasaad sa Section 92 nito na:
“Chapter VI: Prohibitions and Penalties:
“Section 92. Fishing Through Explosives, Noxious or Poisonous Substance, and/or electricity.
x x x
(2) The discovery of dynamite, other explosives and chemical compounds which contain combustible elements, or noxious or poisonous substances, or equipment or device for electrofishing in any fishing vessel or in the possession of any fisherfolk, operator, fishing boat official or fishworker shall constitute a prima facie presumption that any of these devices was used for fishing in violation of this Code. […]”
Samakatwid, ipinagbabawal ng batas ang pagkakaroon ng mga dinamita, pampasabog o mga kemikal na nagtataglay ng sangkap na pampasabog o noxious o poisonous substances o kagamitan para sa electrofishing na maaaring gamitin sa ilegal na pangingisda. Hindi mahalaga kung ito ay aktuwal na ginamit sa ilegal na pangingisda.
Kung ang nagkasala ay mapan sa korte, siya ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong ng limang taon hanggang sampung taon at pagmumulta ng doble sa halaga ng ipinataw na administrative fine at pagkumpiska ng kanyang mga ginamit sa pangingisda. Maaari rin siyang masampahan ng kasong kriminal kung ang kanyang ginawa ay nagresulta sa physical injury o pagkamatay ng ibang tao.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.




Comments