63 OFWs, positibo sa COVID-19

Umabot na sa 63 ang bilang ng mga Pinoy sa ibang bansa na nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay DOH Asec. Ma. Rosario Vergeire, sa ngayon may 4 na bansa na ang may naitalang mga Pinoy na positibo sa COVID-19. Pinakamarami sa Japan na umabot sa 59 katao.
Ang mga ito ay mula sa MV Diamond Princess na nasa Japan. Sinundan ito ng United Arab Emirates na may dalawang nagpositibo sa virus at tig-isa naman sa Hong Kong at Singapore.
Ang nagpositibo sa virus sa UAE ay isang 43-anyos na lalaki na unstable ang kalagayan at naka-respirator dahil hirap umano ito sa paghinga.
Nasa stable na kondisyon naman ang isa pang 34-anyos na Pinoy na nagpositibo rin sa COVID-19.
Ang isa namang nagpositibo sa Singapore ay isang 41-anyos na lalaki na permanent resident na umano roon at walang travel history sa China.
Habang ang isa namang nagpositibo sa Hong Kong ay isang domestic helper na nahawa sa inaalagaang positibo sa COVID-19.
Tiniyak naman ng opisyal na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga Pinoy na nagpopositibo sa virus kahit nasa ibang bansa sila.
Samantala, tiniyak ng Department of Health na tuloy na tuloy na ngayong araw ang pag-uwi ng mahigit 400 Pinoy mula sa MV Diamond Princess cruise ship na nasa Japan.





Comments