Ceres Negros, sisipa para sa 2nd vs. Vietnam sa AFC Cup
- A. Servinio
- Feb 25, 2020
- 2 min read

Hahanapin ng Ceres Negros ng Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na panalo laban sa bisitang Than Quang Ninh ng Vietnam sa pagpapatuloy ng 2020 AFC Cup sa Rizal Memorial Stadium. Sisipa ang aksyon sa Grupo G simula ng 7:00 p.m. at umaasa ang Busmen na magiging malaking tulong muli ang paglalaro sa harap ng mga kababayan.
Galing ang Ceres sa isang matinding 4-0 na tagumpay sa bisitang PKR Svay Rieng ng Cambodia noong Pebrero 11 sa likod ng dalawang goal ni Bienvenido Maranon at tig-isa kay Takashi Odawara at Joshua Grommen. Tiyak na babantayan sila ng mabuti kasama nina Stephan Schrock, Manny Ott, Robert Lopez Mendy, OJ Porteria at ang nagbabalik galing sa pilay na si Super Herrera.
Ang TQN ay nagtapos sa ikatlong puwesto sa 2019 V League 1 na may kartadang 10 panalo, siyam na tabla at pitong talo at nakapasok sa AFC Cup matapos hindi makakuha ang kampeon na Hanoi FC ng kinakailangang lisensya mula sa AFC upang makalahok.
Suspendido si Fagan ngayon kaya aasahan ang iba pang mga forward na sina Mac Hong Quan at Jeremie Lynch ang bubuhat sa kanila.
Sa una ay dapat sa tahanan ng TQN ito nilaro subalit nagpasya ang AFC na magpalit ng
lugar dahil sa utos ng pamahalaan ng Vietnam bilang pag-iingat sa COVID-19.
Darayo na ang Ceres sa Vietnam sa Mayo 13, ang huling araw ng group stages bago ang ASEAN semifinals. Samantala, haharapin ng Kaya Iloilo ang mga bisita mula sa Tampines Rovers ng Singapore bukas sa parehong oras at lugar upang paglabanan ang liderato ng Grupo H. Lumakbay ang Kaya sa Myanmar upang talunin ang Shan United, 2-0, noong Peb. 12.
Mga laro ngayong Martes – Rizal Memorial Stadium: 7:00 Ceres Negros vs. Than Quang Ninh.





Comments