top of page

3 uri ng bulateng dahilan ng paglaki ng tiyan ng bata

  • Shane Ludovice
  • Feb 25, 2020
  • 2 min read

Dear Doc.Shane, Napansin kong malaki ang tiyan ng anak kong 4-anyos kahit hindi naman siya mataba. Sa palagay ko ay meron siyang bulate sa tiyan. Bakit ba nagkakaroon ng bulate sa tiyan ang bata? - Mila

Sagot Ang bulate sa tiyan ay isang uri ng impeksiyon na siyang kumukuha ng nutrisyon na dapat ay para sa taong apektado. Ito ay nagdudulot ng pagkakasakit at pagkawala ng sigla.

May tatlong uri ng bulate na karaniwang ‘sumasalakay’ sa katawan at siyang naninirahan sa tiyan. Ang mga ito ay tinatawag na roundworm (ascaris), hookworm at whipworm (trichuris). Bukod dito, may iba’t iba pang bulate na siyang sanhi ng karamdamang ito ngunit ang nabanggit natin ay ang pinakalaganap sa Pilipinas.

Bakit nagkakaroon ng bulate sa tiyan?

Ang bulate sa tiyan ay nakukuha sa pamamagitan ng pagkonsumo ng kontaminadong pagkain o pagkaing may taglay ng itlog ng bulate na siya namang nagmula sa dumi ng tao.

Ang pag-inom ng tubig na kontaminado rin ay isa ring dahilan. Dahil dito, ang pagdumi na wala sa lugar o hindi malinis na mga komunidad kung saan ang mga banyo ay wala sa lugar o hindi sumusunod sa mga patakarang pangkalusugan ay mga bagay na siyang pumapabor sa paglaganap ng bulate sa tiyan.

Ano ang mangyayari kapag may bulate sa tiyan?

Sakit ng tiyan at paglobo nito ang mga pangunahing sintomas ng bulate sa tiyan. Dahil lumalaki ang tiyan ng bata, maaari itong magbigay ng maling impresyon sa mga magulang na malusog ang bata ngunit, sa katunayan, mga bulate ang sanhi ng paglaki ng tiyan nila.

Minsan, may lumalabas ding bulate sa puwit kapag dumurumi o sa bibig habang nagsusuka. Bukod sa mga sintomas na ito, may mas seryoso at pangmatagalang epekto ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan tulad ng pagkawala ng sigla dahil sa “anemia” na dulot ng mga bulate at pagbagal sa paglaki ng bata. Napag-alamang apektado rin ang pag-aaral ng mga bata.

Kaya naman, ipinapayo nating ipa-check-up agad ninyo ang inyong anak sa pedia nang sa gayun ay mabigyan ito ng tamang dosis ng pampurga at iba pang karagdagang payo tungkol sa inyong problema.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page