top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Tunay na diwa ng Edsa People Power, palalimin, patatagin at palawakin

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Feb 24, 2020
  • 2 min read

Nasa labas tayo ng bansa noong ika-25 ng Pebrero, 1986. Subalit, dahil una ang Pilipinas nang ilang oras sa Roma, ika-24 ng Pebrero noon. Nasa harapan namin ang isang bote ng champagne at naghihintay kami ng magandang balita na siyang magiging hudyat na maaari na naming buksan ang bote upang magdiwang. “The dictator has left!” Ito ang malakas na anunsiyo sa British Broadcasting Corporation (BBC).

Napatalsik na ang diktador! Ito ang maliligayang sandali ng mapayapang 1986 EDSA People Power Revolution. Sa wakas ay natapos na ang pagtitiis ng mamamayan sa pag-alis ng pinagmulan ng sari-saring problema na dulot ng diktadurya.

At dahil hinihingan na kaming mga graduate student ng research topic, naisip kong magsulat at magsaliksik sa kakaibang pangyayaring nakilala sa mapayapang People Power Revolution. Ngunit, nang binanggit ko ito sa aking mentor, mabilis itong sumagot na, “Masyadong bago at bata pa ang EDSA Uno. Kailangang palipasin pa ang panahon para makita kung gaano kalalim ang naganap na pagbabago dahil dito.” Sa madaling salita, hindi ako pinayagang magsulat tungkol dito.

At ngayong ika-34 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, nais nating malaman, pagkatapos mapatalsik ang diktador at ang kanyang pamilya, natapos na ba ang korupsiyon at karahasan?

Kung sinabi ng aking propesor na kailangan ang halos 40 taon o dalawang henerasyon para masukat ang pagbabago, meron din tayong ibang naririnig tungkol sa EDSA. Oo, merong pagpapalit ng mga namumuno, mula Marcos hanggang sa mga Aquino, ngunit, hindi ito ganap at tunay na rebolusyon dahil hindi malalim ang naganap na pagbabago.

Pawang mga buwitre ang iba’t ibang mga nakapuwesto at ang kanilang pamilya na naghihintay ng pagkakataong kalmutin, sakalin, pagsamantalahan at sipsipin ang dugo ng buto’t balat, sugatan at lupaypay na katawan ni Inang Bayan.

Ngayong darating na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, kailangang muling lumabas at kumilos ang lahat bago tuluyang mabura ang mga hindi ganap na tagumpay ng EDSA People Power Revolution.

Kung nagsama-sama ang taumbayan noong mga araw ng Pebrero 22 hanggang 25, 1986 upang magdasal, magdiwang at magkaisa bilang bansang lumaban sa katiwalian at karahasan, hindi ba, nararapat lang na magpatuloy ito sa bawat administrasyong dumaan mula kay ex-P-Cory hanggang kina ex-P-FVR, ex-P-Erap, ex-P-GMA, ex-P-Noy at P-Digong?

Marahil, ito ang malalim na dahilan kung bakit tila bumabalik tayo sa kadilimang napagtagumpayan noon. Kung sa halip na paggunita lamang ng EDSA People Power Revolution ang ating ginawa kundi nagtulung-tulong lahat tungo sa tunay na pagbabago ng marumi, bulok, kompromisadong istruktura ng pamahalaan at higit sa lahat ng kamalayan (isip), kalooban (puso) at kaluluwa ng bawat mamamayan, baka iba ang hugis ng ating pagdiriwang at pananagutan sa Diyos, bayan at mamamayan ngayon.

Imposible ba ito? Mahirap ba ito? Oo kung iisipin mo ang milyun-milyong iba, ngunit, kung magsisimula tayo sa sarili at magsimula na tayo ngayon — ngayon pa lamang ay nagaganap na ang dapat maganap.

Mabuhay, palalimin, patatagin, palawakin ang tunay na espiritu ng EDSA People Power Revolution.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page