Sana dalawa ang puso ko ang peg... Naging kabit ang ex-schoolmate habang nasa Maynila si mister, lit
- Maestro Honorio Ong
- Feb 24, 2020
- 2 min read
Katanungan
Nasa probinsiya ako habang nasa Maynila ang mister ko dahil doon siya nagtatrabaho at buwanan lang siya kung umuwi. May isa kaming anak na nasa elementary na. Ang problema, habang wala ang mister ko ay natukso akong makipagkita sa dati kong schoolmate hanggang sa nagkaroon kami ng lihim na relasyon. Dumating ang point na hindi ko na napigilan ang aking sarili at may nangyari sa amin.
Gusto ng boyfriend ko na iwanan ko na ang aking asawa at magsama na kami. Isama ko raw ang aking anak sa gagawin naming paglayo at sa malayong lugar, bubuo raw kami ng tahimik at masayang pamilya.
Sino sa dalawang lalaking ito ang nasa guhit ng aking palad na nakatakda kong makasama habambuhay?
Kasagutan
Paano kayo makabubuo ng tahimik at masayang pamilya sa malayong lugar, gayung sa gagawin n'yong pagtakas, tahasan n’yong lolokohin ang mister mo? Ibig sabihin, kung tatakas kayo ng kalaguyo mo, nagkakasala ka hindi lamang sa iyong asawa, anak, batas ng tao at Diyos, bagkus, ang pinakamabigat sa lahat, nagkakasala ka sa sarili mong katinuan.
Gayunman, kung kasalanan mang matatawag ang muling umibig at magmahal ang babaeng may asawa na, masasabing hindi pa huli ang lahat upang magbagong-buhay ka. Mula ngayon, iwanan mo na ang iyong boyfriend habang hindi pa natutuklasan ng mister mo ang ginagawa n'yong kaimoralan.
Sa ganitong paraan, sa pagbabalik sa mabuti at matuwid na landas ng buhay, matutupad ang kaisa-isang medyo gumulo, nabaluktot, pero naayos ding Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung aayos ka, magpapakatino at hindi na makikipagkita o makikipag-usap sa kalaguyo mo, maiiwasan ang napipintong pagkawasak at pagkasira ng inyong pamilya hanggang sa tuluy-tuloy na muling bumalik ang pagmamahal mo kay mister at muling magiging maligaya ang inyong pamilya.
Dapat Gawin Tandaan, kapag tunay na pag-ibig ang pag-uusapan, dapat ito ay walang halong ka-imoralan. Habang, ayon sa iyong mga datos, Ms. X, kung hindi mo iiwasan ang lalaking kalaguyo mo, tiyak ang magaganap sa malapit na hinaharap, ang magulo at medyo baluktot na Marriage Line (1-M arrow a.) ang mananaig — magkakahiwalay kayong mag-asawa hanggang sa tuluyan nang masira ang inyong pamilya (Drawing A. at B. h-h arrow b.) at ang pangunahing magiging biktima ay ang inyong anak na mahaharap sa broken-family habambuhay.




Comments