Pagpatay sa freedom of speech nu’ng Martial Law, wala na sanang part 2
- Korina Sanchez
- Feb 24, 2020
- 2 min read
Napakaraming dumalo sa pagtitipon sa harap ng ABS-CBN Broadcasting Corporation sa Quezon City kamakailan kung saan ang mga dumalo ay nakasuot ng puti.
Bawat isa ay nagtirik ng mga kandila sa altar ng kalayaan sa pamamahayag o press freedom.
Ang mga empleyado, staff, artista at grupo ay determinadong bantayan ang isa sa mga pinakamahahalagang kalayaan sa ilalim ng isang demokratikong bansa — ang kalayaang magpahayag at magsalita.
Matindi na ang pinagdaanan ng Pamilya Lopez, ABS-CBN at ng buong Pilipinas, mas matindi pa sa mga kaganapan ngayon.
Matatandaang, sa ilalim ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, sa pagpataw nito ng Martial Law noong Dekada ‘70’s, isinara ang ABS-CBN sabay sa pagkatay sa kabuuan ng malayang pamamahayag ng media at mamamayang takot.
Malinaw ang mga leksiyon sa kasaysayan para tayo ay makausad, kailangang matuto at gamitin ang natutunan para hindi na maulit ang nangyari noong Martial Law at maagaw ulit ang ating mga kalayaan at karapatan.
Walang idinedeklarang Martial Law sa buong bansa, pero tila mas masahol at walang deklarasyon ang lumalabas na nagaganap sa kasalukuyan at ABS-CBN ulit ang tampulan.
Huwag sanang malihis ang tingin. Pero itong maliit na apoy-pangkalan ang siyang simula ng halimaw na sunog na tutupok sa buong gubat — papatay sa ating demokrasya.
Magtagumpay man ang mga balakin, ito ay hindi magtatagal. Makasugat man ang posibleng desisyong pampayaso — ‘yung walang lohika, batayan, respeto sa demokratikong pamamahala at sa mga gantimpala ng mahabang kasaysayan — ay hindi ito nakamamatay.
Kumbaga, malayo sa utak ang mikrobyong ito. Alam n’yo ba kung ano ang magiging permanente na malilimbag sa lahat ng libro ng kasaysayan?
Ang mga pangalan ng ‘payasong’ tutulong na mangyari ang hindi dapat mangyari.
Hindi pa naman nagaganap pero maganap man, ang mundo ay hindi mananahimik at kami rin ay hindi mananahimik.
Ang kalikasan ay hindi kayang pigilan. Ang kalayaan ng pamamahayag at pagsasalita ay hindi maaaring payagang mabaon ulit sa lupa.
At kung dahil lang sa ABS-CBN noong 1986 ang isa sa mga nanguna sa muling pagkabuhay ng kalayaan ng pamamahayag at pagtaguyod ng ating mga karapatan pagkatapos ng ilang taong diktadurya at pagbusal sa katotohanan, panahon naman na tayo ang tumulong at sumuporta, magsigurado sa proteksiyon sa kung ano ang sinisimbolo nito sa ating mga buhay bilang malayang mamamayan.





Comments